NOONG Mayo 2024 nagsimulang maghigpit ang Department of Foreign Affairs sa visa requirements para sa mga turistang magmumula sa China.
Dinagdagan ng gobyerno ang mga kinakailangan sa visa, kabilang ang Social Insurance Record Certificate at iba pang dokumento gaya ng government ID, bank statements, at employment certificate.
Ang naturang hakbang ay nagdulot ng malaking epekto sa target na tourist arrival mula sa China, ayon sa Department of Tourism.
“This has devastated our targets in terms of 2024 and that we initially targeted 2 million Chinese, but only a little over 300,000 arrived,” ayon kay Secretary Christina Garcia Frasco.
Sabi ni Secretary Christina Garcia Frasco na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa DFA upang luwagan ang visa requirements para sa mga turista mula China.
Dahil sa kasalukuyang hamong kinakaharap kaugnay ng paghihigpit sa mga turistang Tsino, ibinaling muna ng DOT ang atensyon sa Indian market.
Ibinahagi ni Frasco na batay sa datos ng Association of Southeast Asian Nations, nasa limang milyong Indian nationals ang bumisita sa mga bansang miyembro ng ASEAN noong 2024.
Sa nabanggit na bilang, halos nasa walumpung libong Indian lamang ang bumisita sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Subalit, inaasahan ni Frasco ang pagdami ng turista mula India kasunod ng pagpapatupad ng electronic visa system para sa mga ito.
“We are aggressively advocating for liberalized policies in terms of visa issuance for the Indian market coming into the country. We are hopeful that we will be able to get a huge chunk of the Indian market,” ani Frasco.
Sabi ng DOT, sikat ang Pilipinas sa mga Indian pagdating sa wedding tourism at diving.