AMINADO ang Department of Education (DepEd) na patuloy ang kinahaharap na krisis sa edukasyon ng Pilipinas. Ito’y sa gitna ng mababang resulta sa mga international assessment at napapansing kakulangan sa foundational skills ng mga mag-aaral.
Batay sa mga international assesment gaya ng Programme for International Student Assessments (PISA), kabilang ang Pilipinas sa may pinakamababang marka sa reading, math, at science sa buong mundo.
Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang kakulangan sa mga guro, pasilidad, learning materials, at mismong kalidad ng kurikulum.
Binigyang diin din ni Education Secretary Sonny Angara, na ang learning crisis ay nangangahulugang kawalan ng mga estudyante na matuto sa tamang grade level.
Kaugnay nito, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang MATATAG Curriculum—isang programang layong ayusin ang kurikulum, bawasan ang non-essential subjects, at palakasin ang foundational skills sa mga unang taon ng pag-aaral.
Target din ng DepEd na palakasin pa ang reading at comprehension skills ng mga mag-aaral bago pa man sila umabot sa mas mataas na antas.
Pahayag ng kagawaran, lalo na sa lumalalang learning crisis, hindi lang ito laban ng DepEd, kundi ng buong bayan.
Kailangan ang suporta ng magulang, komunidad, at iba pang ahensya ng gobyerno para tuluyang masolusyonan ang krisis sa edukasyon.