DepEd, inanunsyong walang magiging delay sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan sa mga lugar na niyanig ng lindol

DepEd, inanunsyong walang magiging delay sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan sa mga lugar na niyanig ng lindol

INANUNSYO ng Department of Education (DepEd) na magpapatuloy ang muling pagbubukas ng mga eskwelahan sa Agosto 22 sa kabila ng pagyanig ng malakas na lindol sa hilagang bahagi ng Luzon.

Ito ang inihayag ni DepEd spokesperson Michael Poa matapos pag-aralan ng kagawaran ang sitwasyon at kakayahan ng mga eskwelahang apektado ng lindol sa pagbubukas ng mga klase.

Gayunman, nilinaw ng tagapagsalita na ang desisyong ito ay para lamang sa pagbubukas ng mga klase sa Agosto 22 dahil sa 451 na classroom ang nasira ng lindol at ang implementasyon ng in-person classes ay magsisimula pa sa Nobyembre 2.

Matatandaan na sa kalagitnaan ng Brigada Eskwela sa Imus Pilot Elementary School sa Imus, Cavite ay sinabi na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na plano ng DepEd na magkaroon ng 1.4 bilyong piso ng recovery at reconstruction fund.

Sa kabila nito ay sinabi ni Poa na hindi pa pinal ang nasabing halaga dahil sa plano ng departamento na humingi ng karagdagang pondo mula sa Department of Budget and Management.

Follow SMNI NEWS in Twitter