SINABIHAN ng Department of Education (DepEd) ang mga empleyado nito na iwasang makipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa labas ng paaralan, kasama na sa social media.
Ayon sa DepEd, nakasaad sa kautusan na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na iwasan ang mga relasyon, pakikipag-ugnayan, at komunikasyon, kabilang ang pagsunod sa social media sa mga mag-aaral sa labas ng paaralan maliban kung sila ay mga kamag-anak.
Ang direktiba ay kabilang sa mga probisyon ng DepEd Order 49, na inilabas noong Biyernes, na nag-amyenda sa naunang kautusan sa pagsusulong ng propesyonalismo sa paghahatid ng mga programa at serbisyo sa basic education.
Samantala naglunsad na ang DepEd ng hotline kung saan maaaring direktang iulat ng mga estudyante ang mga insidente ng pang-aabuso, sa gitna ng mga alegasyon ng sexual harassment laban sa mga guro sa ilang paaralan.