Deployment ban ng mga OFW patungong Saudi Arabia, mananatili – DOLE

Deployment ban ng mga OFW patungong Saudi Arabia, mananatili – DOLE

NAGLABAS ng paglilinaw ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko upang tiyakin na walang dapat ikalito ang mga overseas Filipino workers (OFWs) hinggil sa inilabas na isyu ng Department of Migrant Workers (DMW) na inalis na nito ang deployment ban para sa mga OFW patungong Kingdom of Saudi Arabia.

Upang hindi magbigay ng kalituhan sa mga OFW, naglabas ng Notice to the Public ang DOLE na mananatili pa rin ang deployment ban patungong Kingdom of Saudi Arabia.

Nitong Abril 25 naglabas ng anunsyo ang DMW na inaalis na ang deployment ban sa mga OFW patungong Saudi Arabia.

Sa nasabing department order, sinabi ni DMW Sec. Abdullah Mama-o na inalis ang suspensiyon para sa pambansang interes at interes ng mga OFW gayundin sa recruitment industry.

Aniya hanggang sa mga karagdagang utos, ang verification at processing ng mga aplikasyon para sa employment contract ng mga Filipino domestic workers sa Saudi Arabia ay maaari nang magpatuloy.

Paliwanag din ni Mama-o na ang pag-alis ng deployment ban ay ginawa matapos ang konsultasyon sa Advisory Board on Migration and Development, Secretary of the Department of Foreign Affairs (DFA), at ng DOLE.

Sa ilalim ng Section 23 ng Republic Act No. 11641 o mas kilalang Department of Migrant Workers Law, binigyang-diin ng DOLE  na ganap na mabubuo lamang ang DMW sa sandaling matupad na ang tatlong kondisyon.

Kabilang sa mga kondisyon ang epektibong pagpatutupad ng mga tuntunin at regulasyon, mayroon nang pinagtibay na staffing pattern, at  ang nakalaang pondo nito ay nakasama na sa 2023 General Appropriations Act.

Matatandaan, inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lahat ng tauhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na panatilihin ang status quo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad hanggang sa ganap na mabuo ang DMW.

Ipinahayag ni Bello ang direktiba sa gitna ng mga salungat na posisyon mula sa ilang grupo na nagdulot ng kalituhan at pagkagambala sa serbisyo publiko ng mga migranteng manggagawa.

Sa isang memorandum, binigyang-pahintulot ni Bello si POEA Administrator Bernard Olalia na maglabas ng kaukulang utos upang maisakatuparan ang kanyang direktiba para sa pagbibigay ng serbisyo at upang matiyak ang maayos na operasyon ng POEA.

Ayon din sa DOLE, hanggat hindi pa ganap na mabuo ang DMW ay hindi ito maaaring magpataw ng anumang patakaran sa nasabing mga ahensiya.

Follow SMNI News on Twitter