Deployment ban sa mga first-timer household service worker sa Kuwait, mananatili hanggat hindi palalakasin ang bilateral labor agreement –DMW

Deployment ban sa mga first-timer household service worker sa Kuwait, mananatili hanggat hindi palalakasin ang bilateral labor agreement –DMW

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na karamihan ng mga problema na natatanggap nila sa mga overseas Filipino Worker (OFWs) sa Kuwait ay mga household service workers na first time.

Nais na mangyari ng DMW na magkaroon ng reporma na magbibigay ng matingkad at malakas na proteksyon para sa mga OFW sa Kuwait partikular na sa mga baguhan o first-time domestic workers.

Ayon pa kay Undersecretary Hans Leo Cacdac kailangan repasuhin muna ang kasunduan ng Pilipinas at Kuwait.

Ito ay para sa kapakanan ng mga OFW katulad ng maayos na pagmomonitor sa kalagayan ng mga OFW at mabilis na response system para sa agarang pagtulong sa mga nangangailangang OFW.

Giit ni Cacdac, hindi mangyayari ito kung wala ang kooperasyon ng Kuwait government sa gobyerno ng Pilipinas.

Nitong Miyerkules nang ihayag ni DMW Secretary Susan Ople ang targeted deployment ban para sa mga baguhan, o hindi pa nakapagtrabaho bilang kasambahay sa abroad.

Pati mga nagtatrabaho bilang kasambahay pero hindi sa Kuwait ay kailangan munang maghintay dahil sa nais tiyakin ng departmento na may mas maayos na monitoring at mas mabilis na response system in place bago sila tumungo doon.

“’Yung mga baguhan, never before nagwork as kasambahay sa abroad or yung nagwork as kasambahay pero hindi sa Kuwait ay kailangan maghintay muna dahil nais tiyakin ng department na may mas maayos na monitoring at mas mabilis na response system in place bago sila tumungo doon,” ani Sec. Susan Ople, DMW.

Samantala, paglilinaw naman ni Cacdac, may mga bansa naman na maaring puntahan ang mga first-timer na OFW bilang domestic workers gaya ng Hong Kong at Singapore dahil sa naging malakas naman ang bilateral labor agreement ng Pilipinas sa mga naturang bansa.

Ayon din kay Cacdac, pareho naman ang standard ng suweldo ng mga kasambahay na OFW kaya wala silang dapat na ipag-alala kung ‘di sila mapalad na madedeploy sa Kuwait.

Follow SMNI NEWS in Twitter