TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mamadaliin na ang deployment ng mga Filipino hotel workers patungo sa Israel sa susunod na buwan.
Nakaraang linggo nakipagpulong si Philippine Ambassador to Israel Macairog S. Alberto sa mga opisyal ng Israel Hotel Association (IHA) sa Embahada ng Pilipinas upang talakayin ang magkasanib na pagsisikap na mapabilis ang deployment ng mga Filipino hotel worker sa Israel sa susunod na buwan.
Dahil sa binuksan muli ng Israel ang industriya ng turismo at pinahihintulutan na rin ang pagpasok ng parehong nabakunahan at hindi nabakunahan na mga manlalakbay, at pagpapagaan na rin sa travel at health restriction ay inaasahan naman ang pagdagsa ng mga turista sa Israel.
Ayon sa DFA, ang Pilipinas at Israel ay nagtutulungan ngayon upang mapabilis ang pagdating ng unang batch ng 500 Filipino hotel workers sa unang linggo ng Abril.
Ito ay bago ang Passover at Holy Week na parehong peak holidays at dagsaan ng mga turista sa Israel.
Ayon sa DFA, ang proyekto ay nasa ilalim ng 2018 Philippines-Israel Labor Agreement para sa isang government-to-government arrangement para sa mga Filipino hotel workers patungong Israel.
Sa pagpupulong, ibinahagi ng IHA na ang mga miyembro nito ay maaaring mangailangan ng hanggang 10,000 manggagawa at nagpahayag din sila ng kahandaang kumuha ng 800 Filipino hotel workers.
Maaring namang tumaas pa sa 2,000 ang bilang ng hotel Filipino workers sa pinakamaagang pagkakataon.
Pinuri rin ng IHA ang propesyonalismo ng mga manggagawang Pilipino, kasanayan sa Ingles, at etika sa trabaho.
Habang tiniyak naman ni Ambassador Alberto sa IHA na ang embahada ay nakikipagtulungan sa DOLE, POEA, gayundin sa Israeli labor at immigration authorities para sa pinakamaagang pag-deploy ng mga manggagawang Pilipino.
Iminungkahi rin ng Ambassador na ang mga hotel sa Israel ay kumuha rin ng mga Filipino students sa on-the-job training programs.