PANSAMANTALANG sinuspinde ng Pilipinas ang deployment ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa Oman.
Ito ang inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III ngayong Biyernes matapos isama ng Oman ang Pilipinas sa kanilang travel ban.
Ayon kay Bello, Lunes ng ipaalam sa kanila ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakasama ng mga biyahero mula sa Pilipinas sa ipinatupad na travel ban.
Bilang kapalit, inirekomenda naman aniya ng DFA ang pagdedeklara ng suspensyon ng deployment ng OFWs sa Oman.
Epektibo naman ang suspensyon ngayong araw, Hunyo 18.
Samantala, iniurong ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang petsa ng implementasyon ng pinaluwag na testing at pinaikling quarantine protocols para sa mga fully vaccinated na Filipino inbound travelers.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magiging epektibo na ang bagong protocols sa Hunyo 22 sa halip na Hunyo 16.
Ani Roque, ito ay bilang konsiderasyon sa full rollout ng pagproseso sa validation cards.
Inulit naman ng IATF ang mahigpit na pagpapatupad ng kasalukuyang testing at quarantine protocols para sa inbound international travelers sa lahat ng ports sa buong bansa anuman ang specific protocols ng receiving local government units.
Matatandaang sa ilalim ng pinakabagong IATF Resolution No. 119, nakasaad na pitong araw nalang magka-quarantine ang fully vaccinated na inbound traveler na nabakunahan sa Pilipinas pagdating niya ng bansa.
Hindi na rin mandatory ang COVID-19 testing pagdating, maliban na lang kung nakaramdam ng sintomas ang indibidwal habang nagka-quarantine.