ITINANGGI ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magpapadala ang Department of Labor and Employment o DOLE ng nurses sa United Kingdom (UK) kapalit ng bakuna.
Giit ni Bello na ang bakuna na hinihingi nito sa UK ay para sa mga nurses na ide-deploy at hindi bakuna kontra COVID – 19 para sa Pilipinas.
Paliwanag ni Bello sa SMNI ay sinabi nito na gusto lamang ng kalihim na bago niya ipadala ang mga health care workers sa UK ay upang maprotektahan laban sa COVID -19 ang mga nurses.
“Marami naman kasi nagsasabi, hindi naman nila nalalaman ang pinag-usapan namin ng ambassador ng UK. Hindi naman po ako humihingi ng bakuna kapalit ng mga nurses natin, hindi ko magagawa yan sa ating mga nurses. Ang sabi ko doon sa ambassador ng UK kako kung magpapadala kami ng nurses o medical care workers sa UK gusto ko tiyak ang kanilang kaligtasan na kung maari bago sila pumunta doon eh mabakunahan na sila,” paglilinaw ni Bello.
Giit din ni Bello , hiniling niya sa ambassador na kailangang mabakunahan muna ang mga nurse na ipapadala sa UK, ito ay dahil sa pangamba ng kalihim na mataas ang kaso ng COVID -19 doon.
Ayon sa kalihim gusto ng UK na tanggalin ang cap sa pagtatalaga ng mga health workers doon.
Ibig sabihin base sa initas ng Inter Agency Task Force o IATF hanggang 5,000 lamang na nurses o medical workers kada taon ang pinapayagan lamang na umalis sa Pilipinas.
Una na ring pinapatiyak ni Pangulong Duterte sa kalihim na hindi dapat maubusan ng mga health workers ang bansa lalo na’t patuloy pa rin ang pananalasa ng pandemya.
“Ang sabi ko pwde kong kausapin ang Department of Health at Inter Agency Task Force, pero siyempre kako kung mag re-recommend man ako eh titiyakin ko na ang mga nurses namin o kaya yung mga medical care workers pag pinapunta namin ay kailangan ligtas sila and the only way na maligtas sila sa contamination ng COVID eh dapat nakabakuna na sila, na vaccines na sila, yun ang sinabi ko, kaya kung gusto mo,,, bigyan mo ko ng pang vaccines para i vaccines na namin bago namin ideploy,” dagdag ni Bello.
Matatandaan na umani ng iba’t ibang reaksyon si Bello partikular na mula sa mga senador dahil sa maling interpretasyon na i-barter ang mga nurse kapalit ng bakuna kontra COVID-19.
Una na ring sinabi ni Senator Joel Villanueva na hindi isang barter trade ang paged-deploy ng mga Pinoy na manggagawa sa ibang bansa.
Nabanggit din ni Villanueva sa panayam ng Laging Handa na naiintindihan niya ang sentimiyento ng dalawang kalihim na naiinip na ito kaya gumawa ng hakbang para makakuha ng bakuna.
“Unang una nakikiusap po ako sa mga Senador na wag po silang maniniwala sa mga ganung usap usapan na ipagpapalit yung ating mga nurses sa bakuna, hindi hon pwdeng gagawin yun, mahal na mahal natin ang lahat ng mga OFWs lalong lalo na mga nurses,” ani Bello.
Bukod sa UK ay kinumpirma rin ni Bello sa SMNI na humihingi rin ang Germany ng 15 ,000 na mga Pinoy health workers na ipapadala doon bagay na hindi maibigay ng kalihim.
Itinanggi rin ni Bello na may nangyari nang pag-uusap sa kanila ng Germany.
Samantala, may higit 2,000 na mga nurse ang nadeploy na ngayong taon.