Deportasyon ng natitirang POGO workers, inaasahan bago matapos ang 2025—PAOCC

Deportasyon ng natitirang POGO workers, inaasahan bago matapos ang 2025—PAOCC

INAASAHAN ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na bago matapos ang 2025 ay magkakaroon na ng deportasyon sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) workers na narito pa sa bansa.

Ayon kay PAOCC Deputy Head for Operations at Spokesperson, Director Winston Casio, nasa 899 na foreign nationals na nagtatrabaho sa mga ilegal POGO ang kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng PAOCC sa Pasay City.

Tinataya namang nasa 200 hanggang 300 nationals pa rin ang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI).

“Kung susumahin ninyo po iyan, magmula ng Enero hanggang sa ngayon, we have more than 1,000; na-neutralize na po natin iyan,” ayon pa kay Dir. Winston Casio, Spokesperson, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Mahigpit aniya ang koordinasyon ng PAOCC, BI, at Inter Agency Council Against Trafficking ng Department of Justice (DOJ) para mapabilis ang proseso ng deportasyon.

Saad ni Casio, ang mahigit 1,000 na POGO workers na ito na nasa kustodiya ng gobyerno ang target na mai-deport sa loob ng 2 hanggang 3 linggo.

“Ibig sabihin, kung kakayanin mailabas iyong mga NBI clearances sa mabilis na panahon, mapapadali iyong paglabas namin ng mga travel documents. So, give and take, two to three weeks mayroon ho tayong mga malaking deportasyon na mangyayari sa Pilipinas—tinatawag po natin iyang POGO 1000,” pahayag ni Casio.

Aniya, ang mga naaresto na foreign nationals ay mula sa Myanmar, Indonesia, Vietnam, Malaysia, at China.

Base sa record ng BI, may natitira pang 11K na POGO workers sa bansa at kung mababawasan na ng higit isang libo ay nasa mahigit 9,000 na lamang ang matitira.

Tiniyak ni Casio sa publiko na patuloy na hahabulin ng PAOCC at iba pang concerned agencies ang mga dayuhang manggagawa ng POGO na narito sa bansa.

Kumpiyansa ang PAOCC na tuluyan nang matatapos ang operasyon ng POGO sa Pilipinas bago pa man matapos ang 2025.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble