INIHAYAG ng Palasyo ng Malakanyang na nauunawaan nito ang pasya ng Inter-Agency Task Force o IATF kaugnay sa muling pagbabalik operasyon ng sinehan at iba pang negosyo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang naturang desisyon ay dahil talagang pinag-iisipan na rin aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung paano pasiglahing muli ang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ni Roque, napapanahon na rin ang naturang hakbang lalo’t naka-develop na rin ng disiplina at alam na rin ng mga Pilipino kung papaano nito poprotektahan ang sarili.
Kung kaya, giit ng tagapagsalita ng Palasyo, posible na ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa kahit na may pandemya.
Lumalabas na sa buong mundo, ang Pilipinas ang pinakamatagal na nagpatupad ng lockdown kung saan nagsimula pa ito noong Marso ng nakaraang taon.
Sa kabilang banda naman, ipinagpaliban ng mga alkalde ng National Capital Region (NCR) ang pagbubukas ng mga sinehan.
Sinabi ni Metro Manila Council Chairman Edwin Olivarez, hindi sang ayon ang mga Metro Manila Mayor lalo pa’t hindi pa nakapagpupulong ang 17 alkalde sa Metro Manila.
Kaya giit ng mga ito, ipagpapaliban muna ang implementasyon ng inilabas na bagong IATF resolution.
Samantala, bukas naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa hirit na ipagpaliban ang muling pagbubukas ng mga sinehan sa loob ng dalawang linggo.
Sambit ni DTI Secretary Ramon Lopez, iginagalang nila ang pasya ng MMC dahil nais lamang ng mga alkalde na maging maingat habang inoobserbahan ang mga COVID-19 cases sa kani-kanilang nasasakupan.
Ngayong araw, pinayagan na ang 50 percent venue capacity sa religious gathering sa mga lugar na isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ).
Kasama na rin ang mga sumusunod na mga negosyo: driving school, video at interactive-game arcade, libraries, archives, museums, at cultural center.
Aprubado na rin maging ang mga meeting, conference at exhibition at limitadong social event sa mga estabisimyentong otorisado ng Department of Tourism.