DFA, handa sakaling maglabas ng kondisyon ang Indonesia kaugnay ng pagpapauwi kay Mary Jane Veloso sa Pilipinas

DFA, handa sakaling maglabas ng kondisyon ang Indonesia kaugnay ng pagpapauwi kay Mary Jane Veloso sa Pilipinas

BAGAMA’T walang ipinatutupad na kondisyon ang gobyerno ng Indonesia para sa pagpapauwi kay Mary Jane Veloso sa Pilipinas ay tinitiyak pa rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na handa silang tugunan ang anumang kondisyon na maaaring ipatupad ng Indonesia.

Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na nirerespeto ng Pilipinas ang anumang kondisyon na maaaring ipatupad ng Indonesia kapalit ng pagpapauwi kay Mary Jane Veloso.

Sa kasalukuyan, wala namang hinihinging kapalit ang Indonesia habang nasa kustodiya pa rin nila si Mary Jane.

Sinabi rin ng opisyal na bukod sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ay may tatlong tauhan ang DFA na handang sunduin si Mary Jane sa Indonesia oras na maisapinal na ang pag-uwi nito sa Pilipinas.

“Wala silang nilatag ngayon, wala ring sinabi sa agreement “bigay namin si Mary Jane, ibigay nyo sa akin ganito.” Pero kung sa kinabukasan mayroon silang hiniling sa atin, siyempre kailangan maalala natin itong inalok sa atin,” ayon kay Usec. Eduardo De Vega.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter