MULING pinaalala ng Department of Foreign Affairs Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) na dapat dumaan sa tamang deployment process ang bawat kababayang Pilipino na magnanais magtrabaho sa ibang bansa upang maiwasang mabiktima ng human trafficking.
Ito ang muling binigyang-diin ni Undersecretary Eduardo de Vega sa panayam ng SMNI News Malaysia sa programang serbisyo OFW nitong Lunes.
Ani De Vega, may agency o direct hiring man ang isang aplikante, dapat aniyang dumaan ang mga ito sa deployment process ng POEA para aniya matiyak nito kung may trabahong naghihintay sa isang aplikanteng OFW.
Nilinaw rin ni De Vega na walang tumatanggap na bansa para sa isang manggagawa na gamit lamang ay tourist visa.
Bukod pa sa mga nabanggit, hinihikayat naman ni De Vega ang mga kababayang OFW na nasa ibang bansa na umuwi na ng Pilipinas sakaling wala nang trabaho o natapos na ang kontrata ng mga ito sa kanilang bansang pinagtatrabahuhan.
Muling nagbigay ng babala ang kagawaran matapos maisalba ang 8 kababayang Pinoy na biktima ng human trafficking sa bansang Myanmar.
Sa tulong ng DFA at ng iba pang ahensya ng gobyerno, ligtas nang nakauwi sa bansa ang 8 Pinoy na naisalba mula sa Myanmar.