TINATAYANG nasa 300,000 hanggang 350,000 ang bilang ng mga undocumented Filipinos sa Amerika.
Iginiit ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na hindi naman gustong umuwi ng mga ito at hindi sila ang target ng deportasyon ng administrasyong Trump.
Ipinaliwanag ni Usec. de Vega na tatlong uri ng ilegal na imigrante ang target ni Pangulong Trump – ang mga kriminal, ‘yung may mga security risk, at mga taong pumasok sa Amerika para lang tumanggap ng social welfare.
Sabi pa ni Usec. de Vega – ang mga undocumented Filipinos na sumusunod sa batas ay hindi dapat mag-alala.
Pinapayuhan niya ang mga ito na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na embahada o konsulado kung may katanungan o pangangailangan.
“Always keep in touch with the consulate, just be law abiding iyong kahit na wala kayong papeles, pero hindi naman kayo gumagawa ng mga paglalabag sa batas iyan, kunyari magnanakaw, nag-i-smuggle. Hindi ba iyong nagbebenta ng drugs at most likely hindi po kayo made-deport,” pahayag ni Usec. Eduardo de Vega, DFA.
Aniya, ang DFA ay tumutulong sa undocumented Filipinos na gustong umuwi sa Pilipinas, kabilang na ang pagbabayad ng tiket.
Gayunpaman, hindi na sila magbabayad ng tiket kung ang mga ito ay ide-deport na ng Amerika.
Pinaalalahanan din ni Usec. de Vega ang mga undocumented Filipinos na hindi sila ikukulong ng embahada.
Sinabi ni Usec. de Vega na may mga embahada at konsulado sa Washington, New York, Los Angeles, San Francisco, Houston, Hawaii, at Guam na maaaring puntahan ng mga undocumented Filipinos para magtanong o mag-renew ng kanilang mga dokumento.
“Obligasyon ng pamahalaan na protektahan lahat ng kababayan natin sa ibang bansa, sila’y ating mga overseas nationals, parang representatives ng Filipino nation iyan. Hindi natin ikukulong at kahit na ba may nakita kaming patakaran na iyon, nakita namin nagpadala ng—may pinakitang fake papers, dating passport—hindi namin pinapahuli, hindi,” ayon pa kay Sec. de Vega.