IBINABA na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level na ipinatutupad sa Iraq.
Sa pahayag ng DFA, mula sa alert level 4 kung saan ipinatutupad ang mandatory repatriation sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs), ngayon ay nasa alert level 3 na lang ito kung saan magiging voluntary ang pagpapatupad ng repatriation.
Ang pagbaba naman ng alert level ay kasunod na rin ng pagbuti ng sitwasyon sa naturang bansa.
Magugunita na buwan ng Enero noong nakaraang taon ng itaas ng DFA sa alert level 4 ang Iraq bunsod ng pagtaas ng tensyon sa pagitan ng US military at coalition forces sa naturang bansa.
Kasunod ng pagbaba ng alerto, ipinag-utos ng DFA sa pamamagitan ng board resolution na maaari na muling makabalik sa Iraq ang mga returning OFWs at ma-exempt mula sa ipinatutupad na deployment ban.
Gayunpaman, subject to specific conditions pa rin ang naturang kautusan ng DFA para sa pagbabalik Iraq ng mga returning OFWs.