AMINADO ang Department of Foreign Affairs (DFA) na iba’t ibang mga dayuhan ang binihag ng grupong Houthi mula Yemen matapos ang nangyaring hijacking sa isang cargo vessel na matatagpuan sa Red Sea noong Nobyembre 19.
Ayon sa DFA, aabot sa 25 crew members ang hinostage sa isang cargo ship na ang ilan sa kanila ay mula Bulgaria, Romania, Ukraine, at Mexico.
Habang 17 naman sa mga ito ay Pilipino.
Ayon naman kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, posibleng may koneksiyon ito sa tensiyon sa pagitan ng mga militanteng Palestino at Israel.
Una nang nabalitang cargo ship ng Israel ang sasakyang pandagat kahit Japanese ang kompanya.
Kilalang kalaban ng Zionist state ng Israel ang mga Houthi.
“We have been making diplomatic representations with governments. DFA is working with DMW which has primary jurisdiction over assistance cases involving seafarers. But there is an all of government approach and various government agencies are meeting and working together on this. We assure the public that everything is being done to get our seafarers back safely,” pahayag ng DFA.
Gayunpaman, umaasa ang DFA na tutupad sa usapan ang mga hostage-takers na wala silang sasaktan sa mga naturang bihag.
DMW, tiniyak ang karampatang tulong sa mga pamilya ng mga binihag na Pilipinong marino
Samantala, nakatakda naman ngayong araw na magsagawa ng pagpupulong ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na ang Department of Migrant Workers and Overseas Workers Welfare Administration kasama ang Malakanyang upang pag-usapan ang sitwasyong ito.
Ipinangako rin ng DFA na gagawing nila ang lahat para maibalik ng ligtas ang mga kababayang Marino.
Samantala, aminado rin ang Department of Migrant Workers na nababahala sila sa pangyayari.
Gayunpaman ipinangako ng naturang ahensiya na ibibigay nila ang suporta at karampatang tulong para sa mga pamilya ng mga Marinong binihag ng rebeldeng Yemeni Houthi.
Kasalukuyan na ring nakikipagtulungan ang DMW sa DFA gayundin sa mga opisyal na rehistradong shipping at manning agency ng barko para subaybayan ang kaligtasan at kapakanan ng 17 Filipino seafarers na sakay ng barko, at maiuwi sila nang ligtas.
Patuloy na magbibigay ng karagdagag impormasyon ang DMW sa mga development.
Hinihingi rin ng kagawaran ang kaligtasan ng mga Pinoy seafarer.