PATULOY na naka-monitor ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kalagayan ng mga Pilipino sa South Korea dahil sa malaking pagbaha doon.
Sa kabila ng patuloy na pag-ulan kinumpirma ng DFA na walang Pilipino na naiulat na naapektuhan ng malaking pagbaha sa Central Seoul, South Korea.
Ayon kay DFA Spokesperson Teresita Daza, maging sa mga kalapit na lugar tulad ng Incheon at Gyeonggi ay walang mga Pilipinong naiulat na apektado ng pagbaha.
Ayon kay Daza, patuloy na sinusubaybayan at inaabot ng Embahada ng Pilipinas ang Filipino community doon sa panahon ng tag-ulan.
“The Embassy continues to monitor and reach out to the Filipino community during this record rainfall, the first in 80 years for Korea,” pahayag ni Daza.
Sa huling tala, hindi bababa sa 9 na tao ang nasawi matapos ang halos 16 inches na pag-ulan na humantong sa makasaysayang pagbaha sa Seoul, South Korea, na nagsimula noong Lunes.
At nagbabala ang forecasters doon na may karagdagang 10 pang pulgada ng pag-ulan ang maaaring babagsak matapos ng linggong ito.
Dahil dito, iniulat ng Korea Herald na daan-daang katao ang nawalan ng tirahan at daan-daan pa ang napilitang lumikas at humanap ng mas mataas na lugar matapos umapaw ang mga ilog at batis sa kanilang mga pampang na nagbuhos ng tubig sa mga local streets at highway sa lungsod.
Ayon sa DFA, ito ang kauna-unahang pangyayari sa unang 80 taon sa Korea.