DHSUD, DAR, pinasinayaan ang ilang housing site para sa mga magsasaka

DHSUD, DAR, pinasinayaan ang ilang housing site para sa mga magsasaka

KAMAKAILAN ay pinasinayaan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Department of Agrarian Reform (DAR) ang dalawang housing site na matatagpuan sa Lanao del Norte.

Ito ay bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) ng DAR na mabigyan ng sariling bahay ang mga magsasaka.

Isa rin ito sa naging mandato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maging prayoridad ang mga kababayang magsasaka ng pamahalaan lalo’t isa sila sa mga nagbibigay kita sa bansa sa pamamagitan ng kanilang mga ani.

Dalawang housing project site sa munisipalidad ng Magsaysay at Kolambugan sa Lanao del Norte ang pagtatayuan ng bahay para sa mga magsasakang ARB ng DAR.

Ito ay sa ilalim ng proyekto ng DAR na Building, Adequate, Livable, Affordable, and Inclusive Filipino Communities (BALAI) kasama rito ang Department of Human Settlements and Urban Development.

Ang proyektong pabahay ay nakatakdang itayo sa isang 24,324 metro kuwadradong lupa na matatagpuan sa Barangay Lumbac.

Habang sa Kolambugan naman nakatakdang itayo ang isang 25,000 metro kuwadradong lupa na matatagpuan sa Barangay Kulasihan.

Aabot naman sa halos 300 ARB ang mabebenipisyuhan ng pabahay ng DAR at DHSUD.

Tiniyak naman ng ahensya ng pamahalaan ang tuloy-tuloy na programa at proyekto para sa ikagiginhawa at ikauunlad ng buhay ng mga magsasaka.

Follow SMNI News on Twitter