PUSPUSAN ang pagsisikap ngayon ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang biktima ng pananalasa ng nagdaang magkakasunod na bagyo na tumama sa bansa.
Ang DHSUD, bilang shelter cluster head ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nakatuon sa mga shelter assistance ng mga mamamayang tinamaan ng kalamidad at nasira ang kanilang tahanan ayon kay Undersecretary Randy Escolango, Disaster Response Administrative and Finance Services ng ahensiya.
Ito ay sa pamamagitan aniya ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP).
Sa ilalim ng nasabing programa, kapag partially damaged ang bahay dahil sa kalamidad, nagbibigay ang DHSUD ng P10K. At kapag totally damaged naman ay P30K ang ibinibigay.
Ipinahayag naman ni Escolango na mabilis lang ang proseso para maka-avail ng programa dahil madali lang aniya ang requirements na binibigay rito.
Sa parte ng potential beneficiary, dapat mailista ang kanilang pangulo ng sambahayan o ang head of household nila doon sa tinatawag na master list of beneficiaries.
Pagkatapos ay magsasadya sila sa kanilang local government unit at hahanapin ang kanilang local housing board o kaya local housing office.
“Maisama po ang kanilang pangalan at kung saan po magsa-submit lang sila ng kanilang I.D. at mayroon po silang ipi-fill out na form. Simple lang po iyong form, madali lang pong i-fill out,” wika ni Usec. Randy Escolango, DHSUD.
At doon naman sa parte ng local government unit (LGU), tatlo lang ang hinihinging requirement ng DHSUD: ang master list of beneficiaries kung saan nandoon lahat ng pangalan ng mga residenteng tinamaan; ang certificate of eligibility; at maging ang kanilang disaster report.
Bukod sa nabanggit na programa, nagbibigay na rin ang DHSUD ng Housing Materials and Essentials (HOMES) kung saan ang mga developer, iyong private sector ay mayroong tinatawag na balanced housing requirement.
“Kung subdivision po ito, 15% ng kanila pong subdivision area o kaya 15% ng kanilang total project cost, ilalaan po nila sa socialized housing. At kapag condominium naman po, 5% po ng kanilang area o kaya 5% ng kanilang total project cost, ilalaan po sa socialized housing,” ayon pa kay Escolango.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensiya sa kanilang international partners, ang International Organization for Migration para sa pagbibigay ng mga shelter-grade tarpaulin at shelter kits.