Di bakunadong vendors sa QC, bibigyan ng P2K cash aid para magpabakuna

Di bakunadong vendors sa QC, bibigyan ng P2K cash aid para magpabakuna

MAGBIBIGAY ng P2,000 cash aid ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa unvaccinated vendors na magpapabakuna.

Pinirmahan kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang isang memorandum na nagbibigay insentibo sa mga unvaccinated vendor.

Ito ay para hikayatin ang mga hindi pa nababakunahang market vendors, ambulant vendors at pati ang mga empleyado sa palengke na magpabakuna.

Isa kasi sa nagiging source ng hawaan ng COVID-19 ang mga palengke dahil sa kumpol-kumpol na tao.

Kasunod din ito sa resolusyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na higpitan ang mobility ng mga hindi pa fully vaccinated individuals.

Dahil dito, agad nagpatupad ang Quezon City Council ng ordinansa na nagre-regulate sa mobility ng mga hindi pa nabakunahan na indibidwal sa lungsod.

Kaya naman, minabuting bigyan na lamang ng insentibo ang mga ito na nagkakahalaga ng P2,000 upang mabawi lang ang anumang pagkagambala sa kanilang kita.

“Most markets vendors cannot leave their stalls because of possible loss of income, so to encourage them to take a day off to get vaccinated, we will provide them with incentives,” pahayag ni Belmonte.

Ang mga market vendor, ambulant vendor o mga empleyado sa palengke na hindi pa nabakunahan noong Enero 7, 2022 ay maari ng magpabakuna hanggang Enero 31.

Sinuyod naman kahapon ng Market Development and Administration Department (MDAD) ang mga palengke ng lungsod at isa-isang hinanapan ng vaccination card ang mga vendor kung saan iilan sa mga ito ay bigo sa pagpapakita ng vax card dahil hindi pa sila nabakunahan.

Ang mga nakuhang listahan ng MDAD ay isusumite sa City Health Department upang agad na maiskedyul ng pagbabakuna.

Sa oras na mabakunahan ang mga ito ng first dose ay agad na nilang makukuha ang dalawang libong insentibo ng lokal na gobyerno basta ipresenta lamang ang kanilang vaccination card at ID na nagpapatunay na sila ay eligible na mga nagtitinda o nagtratrabaho sa palengke.

Gayunpaman, nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Quezon City sa sinumang taong mahuhuling nagbibigay ng maling impormasyon upang makakuha ng tulong pinansyal ay maaaring kasuhan.

Ang nasabing insentibo ay onetime cash assistance lamang na ibibigay ng Quezon City government sa mga market, ambulant vendor at mga empleyado sa palengke.

Follow SMNI News on Twitter