SA walong araw na filing ng candidacy sa Manila Hotel, tatlong party groups ang naghain ng kandidatura para isulong ang kapakanan ng mga kababaihan sa Kongreso.
Sa pang-walo at huling araw, humabol ang Kababaihan Party-list Group kung saan first nominee si QC City Councilor at daughter in law ni former Sen. Nikki Coseteng na si Kate Galang Coseteng.
Ayon kay Kate Coseteng, bahagi ng pangako ng Kababaihan PL ay ang maisulong ang katarungan ng mga kababaihan na nakararanas ng karahasan o biktima ng rape, pagbibigay ng kabuhayan sa mga kababaihan at ang paggawa ng batas para sa prebensiyon ng mga sakit na karaniwan sa mga babae tulad ng cervical cancer, ovarian, at ang breast cancer.
Sa mga kontrobersiyal na mga panukalang batas, sinabi ng first nominee na susuportahan nito ang pagkakaroon ng diborsiyo kung ang ground ay may nararanasang pang-aabuso ang isang babae.
Pagdating naman sa abortion, puwede aniya itong mailusot kung ang dahilan ay napagsamantalahan ang babae o nanganganib ang buhay nito dahil sa pagbubuntis.
“Ang abortion naman po pwedeng payagan in some certain conditions for example po, may sakit po ang nanay, hindi po pwede manganak kasi endangered po ang nanay kasi kalusugan. Mamatay ang nanay kapag naituloy niya ang pregnancy niya. Pangalawa po kung biktima siya ng rape. Pwede po ‘yan.”
“Pero kung ile-legalize natin ang abortion itself, kailangan po natin ng malawak na konsultasyon tungkol po diyan dahil ‘yan po na ‘yan ay mahirap na issue na kailangan po na maraming mamamayan ang dapat ikonsulta,” ayon kay Kate Coseteng, 1st nominee, Kababaihan Pary-list.
Susuportahan din nito ang panukalang batas laban sa mga online sex offenders na bumibiktima ng mga bata.
Ayon dito, maliban sa online sex ay may black market din para sa bentahan ng mga organ ng mga bata.
Gusto ni Kate Coseteng na hindi makawala sa rehas ang mga mahahatulang guilty sa ganitong uri ng krimen.
“Panghabang buhay po na pagkakakulong po sana kasi po ang pinag-uusapan po natin dito ay karapatan at mga bata na wala pang bahay sa buhay,” ani Coseteng.
“Number one daw ang Pilipinas, online sex trafficking kaya po sa pagre-research ko po pwede nating gayahin ang mga batas sa mga bansa tulad ng sa London kung saan ginagawa po nilang liable ang mga tech companies na nagre-release po ng ponograpiya ng ating mga kababayan,” aniya.