NAKIPAG-UGNAYAN na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Commission on Elections (COMELEC) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa isyu ng umano’y security breach sa Smartmatic Incorporated na service provider sa sistemang gagamitin sa nalalapit na eleksyon sa bansa.
Ito ang inihayag ni DICT Acting Secretary Emmanuel Rey Caintic sa Laging Handa public briefing.
Aniya, kung lumabas man sa imbestigasyon na mayroong paglabag o mayroong nag-leak at nag-breach ay sasampahan ng kaso ang mga nasangkot dito.
“Nakikipag-ugnayan din tayo tuloy-tuloy sa COMELEC para masiguradong makatulong tayo sa kanilang cyber-security monitoring at mabantayan kung mayroon mang mga gustong umatake sa kanila,” pahayag ni Caintic.
Dagdag pa ni Caintic, inatasan na rin ng ahensya ang National Privacy Commission (NPC) na ipagpatuloy ang pagsisiyasat sa isyu upang tiyaking managot ang data privacy officer ng Smartmatic kung sakaling may paglabag ito.
Gayunpaman, muling ipinabatid at nilinaw ni Caintic na independent jurisdiction ng COMELEC ang eleksyon at sila ang pinahintulutan ng Saligang Batas na manguna at magsagawa ng halalan.
“So sistema ito ng COMELEC, hinu-host lang ng DICT. Ang ating tulong dito is – number one, iyong hosting; pangalawa, tayo po ay patuloy na nagbu-vulnerability assessment and penetration tests sa mga websites na ito,” aniya pa.
COVID-19 vaccination, ‘di dapat maapektuhan sa pagsisimula ng local election campaign – Malakanyang
Sa usaping may kaugnayan pa rin sa eleksyon, nananatiling kumpiyansa ang Malakanyang na magpapatuloy ang pagiging maingat ng mamamayan sa pagsisimula ng election campaign para sa locally-elected positions, simula bukas, Marso 25, 2022.
“We remain confident that people will continue to be vigilant as the local election campaign period begins,” pahayag ni Sec. Martin Andanar, Acting Presidential Spokesperson.
Sinabi rin ni Andanar na hindi dapat bumagal ang bakunahan kontra COVID-19 ngayong aarangkada na rin ang local election campaign period.
Sambit ni Andanar, nananatiling ‘on track’ ang vaccination program ng pamahalaan kung saan target nitong maging fully-vaccinated ang 90 million na mga Pilipino bago ang katapusan ng Hunyo ngayong taon.
“This occasion is likewise a good reminder that there will be no slowing down of our COVID-19 vaccination drive as we remain on track with our goal of having 90 million fully-vaccinated Filipinos before the end of June 2022,” ani Andanar.
Nagpaalala rin ang Palasyo sa mga kandidato maging sa publiko na mahigpit na sundin ang health at safety protocols kasama ang mga panuntunang itinakda ng COMELEC sa pagsasagawa ng political activities gaya ng campaign rallies at in-person campaigning.
Kaugnay nito, umapela ang opisyal ng Philippine Medical Association (PMA) sa mga kandidato sa eleksyon o mga pulitiko na hikayatin ang mga botante na magpabakuna muna kontra COVID-19 bago lumahok sa anumang political rally.
Sinabi ni PMA President Dr. Benito Atienza na dapat mag-ingat pa rin sabay ipinaalala sa rally-goers na patuloy na sumunod sa minimum public health standards sa gitna ng nararanasang pandemya.
“Mga pulitiko, magpa-bakuna kayo. Sino ang nagpabakuna diyan? Kasi iyong mga pulitiko dapat iyan ang tumulong para maano po natin na marami pa tayong magiging problema kung marami pa ang hindi nabakunahan at maano po tayo,” ayon kay Atienza.
“Kasi nandi-diyan iyong bakuna, nandiyan na po. Hindi po tayo katulad ng ibang bansa na kulang ang bakuna, tayo po ay sobra-sobra ang bakuna,” dagdag ni Atienza.
Samantala, binigyang-diin ni Atienza na dapat iprayoridad ang pagtuturok ng first dose at booster shot lalo’t milyon pang senior citizens at immunocompromised ang hindi nababakunahan.
“Mayroon po daw mga two million pa tayong mga seniors at saka ito pong mga immunocompromised na hindi nababakunahan, sana mabakunahan po sila. Tapos itong ating mga booster doses, iyong third dose, pinaka-third dose ay marami pa na hindi nababakunahan sa general population,” ani Atienza.
Giit pa ng Philippine Medical Association, kung nakaka-attend ang karamihan sa mga rally, bakit naman daw hindi makapunta sa vaccination center ang mga ito para magpabakuna.
Paalala ng PMA sa lahat, huwag hintayin na magkaroon uli ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 bago magpa-booster o magpabakuna.