INIHAYAG ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr., na minamadali na maging digitalized na ang kanilang mga serbisyo para sa mga Pilipino.
Ito ang tiniyak ni Ledesma sa ginanap na press conference kasabay ng ika-28 anibersayo ng PhilHealth.
Ipinunto pa niya na hindi na aabutin ng 2 taon bago maisakatuparan ang digitalization o computerization sa kanilang mga programa.
Sa katunayan, nakipagpulong na sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa digitalization ng PhilHealth at Department of Health (DOH) upang mapabilis ang pagbibigay-serbisyo ng mga miyembro ng PhilHealth.
Paliwanag ni Ledesma na kinakausap nila ang iba’t ibang negosyante na mayroong interes sa naturang programa na computerization program.
Aminado si Ledesma na malaking hamon kung ang gobyerno lang ang kikilos kung kayat palalakasin din ng PhilHealth ang public-private partnership.
Ginagawa umano nila ng paraan na magkaroon ng digitalization pero kinakailangan ang mahabang panahon hinggil sa computerization program ng PhilHealth.
Binigyang-diin ng opisyal na mayroon naman silang road map at posibleng sa susunod na taon ay maisasakatuparan na ang digitalization program ng ahensya.
Ang pahayag na ito ni Ledesma ay kasunod na rin sa hangarin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mapadali ang inaalok na serbisyo sa mga Pilipino.