Digitalization ng justice system sa bansa, ipinanawagan kasabay ng Jail Decongestion Summit

Digitalization ng justice system sa bansa, ipinanawagan kasabay ng Jail Decongestion Summit

PINANGUNAHAN ni Exec. Secretary Lucas Bersamin ang kauna-unahang National Decongestion Summit sa Maynila bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa naturang summit, ibinahagi ng kalihim ang mensahe ng Pangulo na magtulungan sa pagpapabilis at sa digitalisasyon ng kanilang mga serbisyo bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na solusyonan ang congestion sa mga bilangguan sa bansa.

Hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga miyembrong ahensiya ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na ituloy ang streamlining at digitalization ng kanilang frontline at back-end na mga serbisyo bilang bahagi ng mga pagsisikap nitong decongestion sa buong bansa.

Sa kaniyang mensahe na binasa ni Bersamin, sinabi ni Pangulong Marcos na welcome sa kaniya ang inisyatiba ng JSCC na National Jail Decongestion Summit na ginanap sa Maynila nitong Miyerkules.

Hinimok ng Pangulo ang mga lumahok sa summit na magkaroon ng innovative solutions at makabuo ng mas modernong pamamaraan ng justice system kumpara sa mga tradisyunal na approaches sa pagbibigay ng hustisya.

“By embracing technology and innovative practices, we can enhance our efficiency, reduce delays, and ensure swift and fair legal proceedings,” ayon kay Lucas Bersamin, Executive Secretary.

Saad pa ng Chief Executive, sa pamamagitan ng best practices na iniimplementa sa ibang mga bansa ay mayroong kapupulutan dito ang Pilipinas upang makapagpatupad na rin ng innovative solutions na makatutulong sa mga hamong kinakaharap ng justice system sa bansa.

Nagpahayag naman ang Punong-Ehekutibo ng tiwala na ang talakayan sa panahon ng summit ay magbibigay daan para sa mas mahusay na mga patakaran at mga hakbangin kaugnay ng justice system.

Jail Decongestion Summit, nilalayon din na mapabilis ang proseso ng criminal cases

Kaugnay rito, inilahad ni Pangulong Marcos na isang mahalagang okasyon ang isinasagawa ngayong summit na naglalayong ma-decongest ang mga kulungan sa bansa.

Nilalayon din ng okasyon na mapabilis ang pagproseso sa mga kasong kriminal na dinidinig sa hukuman.

Kumpiyansa ang Chief Executive na sa isinasagawang summit ay makalilikha ng mga epektibong polisiya ang mga kinauukulang ahensiya.

“This gathering is most welcome, as it demonstrates the commitment of the entire government to expedite the processing of criminal cases and alleviate the chronic problem of jail congestion. Indeed, it would require a whole-of-government approach to ensure the efficient, effective, and compassionate administration of justice in the country,” dagdag ni Bersamin.

Kolaborasyon ng Ehekutibo at Hudikatura para sa mas malakas na justice system, tiniyak ni Pangulong Marcos

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang pangako ng kaniyang administrasyon na suportahan ang collaboration effort sa pagitan ng Ehekutibo at Hudikatura.

Inilahad ni Pangulong Marcos na sa pagtutulungan ng Ehekutibo at ng Hudikatura ay matitiyak na hindi maipagkakait ang nararapat na hustisya para sa bawat mamamayan na nangangailangan nito.

Ang kauna-unahang National Decongestion Summit ng bansa ay pinamagatang, ‘Decongest and Reintegrate: A Conference to Unlock Solutions to Jail and Prison Overcrowding.’

Layunin ng naturang summit na pagsama-samahin ang legal experts, government agencies, international organizations, at advocates.

Nakatuon ito sa plenary sessions at workshops kaugnay ng jail decongestion efforts at pinakamahuhusay na kagawian ng ibang mga bansa.

Kabilang sa mga pagsusumikap na i-decongest ang mga kulungan sa buong bansa ay ang taunang rekomendasyon ng Executive Clemency sa mga kuwalipikadong persons deprived of liberty (PDLs).

Sa isang panayam naman sa naturang event, sinabi ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na inaasahan nila ang maraming reporma sa penal system sa jail facility gayundin ang decongestion ng mga penitentiary.

Dagdag pa ni Gesmundo, inaasahan nilang ito ay maisasakatuparan sa lalong madaling panahon.

Ibinahagi naman ni DOJ Assistant Secretary & Spokesperson Mico Clavano na ang ilang aktibidad at estratehiya sa summit.

Kabilang dito ang pagbabawas ng mga admission sa bilangguan, pagtaas ng pagpapalaya sa mga bilanggo kapag natapos na ang kanilang mga sentensiya at pagpapalawak ng kapasidad ng pasilidad ng kulungan.

Ang summit ay tatagal hanggang bukas, Disyembre 7.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble