DIGITALIZATION, Road Safety Inter-Active Center at IT Training Hub, ito ang mga tinututukang programa at proyekto ngayon ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay LTO OIC Atty. Romeo Vera Cruz sa Laging Handa public briefing, nais ng ahensya na magkaroon ng mabilis at matiwasay na paghahatid ng serbisyo sa mamamayan partikular sa pagproseso ng driver’s license at registration ng motor vehicle.
“Mayroon lang kaunting mga problema and inaayos po natin iyan para mapabilis po ang ating pag-process ng ating driver’s license at saka registration ng ating mga motor vehicle. We tend to address all of these glitches ‘no,” ayon kay Atty. Romeo Vera Cruz, OIC, LTO.
Kasama ring tinututukan ngayon ng LTO ang nagpapatuloy at halos nakumpletong nang mga proyekto na nasa ilalim ng mandato ng ahensya.
Partikular dito ang Road Safety Inter-Active Center, isang platform na nagpapaalala sa publiko sa kahalagahan ng road safety.
Kaugnay dito, konektado na ngayon ang data systems ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at LTO o ang tinatawag na LTO-MMDA System Interconnectivity Project.
Ibinahagi ni MMDA OIC, Director Baltazar Melgar ang papel nito pagdating sa road safety.
“Maganda po ‘yung connectivity natin sa LTO kasi naiano kaagad natin, nata-transmit natin sa kanila iyong mga data ‘no regarding doon sa paghuli ng mga motorista. At siyempre, maganda po iyan sa road safety kasi naging maayos po ‘yung ating kalsadahan,” wika ni Dir. Baltazar Melgar, OIC-MMDA.
Bukod dito, pinagtutunan din ng pansin ngayon ng LTO ang IT Training Hub.
“And also because of there are mandates from different laws na napasa ng Kongreso, so we put up a training center here – our IT training hub na tinatawag,” ayon pa kay Vera Cruz.
Hinihikayat naman ng LTO ang mamamayan na ireport kung ano ang napapansin nila sa traffic situation sa kanilang lugar lalo na sa mga violator.
Ito naman ay sa pamamagitan ng itinatag na Central Command Center.
“Just a video or picture na puwede nilang ipadala po sa command center ng LTO. Mayroon po tayong mga apps niyan para mabilis po ang pag-upload, and then we act immediately on this,” ani Vera Cruz.