DILG Barangay Affairs, umaasang maipagpapatuloy ng Marcos admin ang mga programa vs insurhensiya at droga

DILG Barangay Affairs, umaasang maipagpapatuloy ng Marcos admin ang mga programa vs insurhensiya at droga

SA nalalapit na pagtatapos ng termino ng administrasyong Duterte, inilatag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Barangay Affairs ang kanilang mga programa na nais nilang maipagpatuloy pa rin sa susunod na administrasyon.

Sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na umaasa silang maipagpapatuloy ang mga nasimulang proyekto ng ahensya sa ilalim ng Duterte administration.

Ito ay gaya na lamang ng Barangay Anti-Drug Abuse Council o kampanya kontra iligal na droga.

Bukod dito, nais din ni Diño na magtuloy-tuloy rin ang laban ng gobyerno kontra insurhensiya at terorismo na pinangungunahan ng mga barangay sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ibinahagi ng DILG official na sa pamamagitan ng ELCAC, mayroon na ngayong 1,400 barangays ang makatatanggap ng tig-P5-M o mahigit pa para doon sa kanilang economic development programs.

“And of course, iyong ating fight against insurgency, fight against violent extremism, fight against terrorism na pinangungunahan ng barangay iyan lalong-lalo na, itong ating ELCAC,” pahayag ni Diño.

Kabilang din sa nais maipagpapatuloy ng barangay affairs ng DILG ang pagtutok sa Build, Build, Build program.

Kasama rin ang Oplan Listo na kung saan sa tuwing magkakaroon ng trahedya at kalamidad, nariyan ang taga-barangay, siyudad at munisipyo na umiikot para siguraduhing ligtas ang mamamayan.

Mayroon ding ilulunsad na Oplan Maghanda ang DILG.

“At ngayon, ilulunsad natin iyong Oplan Maghanda, ito ang ginawa naman na coordination ng Department of the Interior and Local Government at saka ang DOST na kung saan mayroon tayong mga bagong warning design na ginawa diyan,” ani Diño.

Sa ilalim din ng administrasyong Duterte, nadagdagan na ang pondo ng mga barangay alinsunod sa Mandanas Law.

“Tapos siyempre ang SK natin ngayon ay mayroon nang allowance ang SK Kagawad, Secretary at saka Treasurer. Pinirmahan na ng ating Pangulo iyan,” ayon pa kay Diño.

Tumutulong din ang DILG Barangay Affairs sa monitoring ng pamamahagi ng mga ayuda sa mga sektor na talagang nangangailangan lalong-lalo na ang transportation sector.

Isa rin ang road clearing operation sa buong Pilipinas partikular sa major thoroughfares maging ang Manila Bay Clean Up.

Pinalilinis din ang estero, kanal, dalampasigan, karagatan o ang implementasyon ng Republic Act 9003.

Kaugnay dito, tuloy-tuloy naman ang de-clogging ng mga kanal at paglilinis ng estero sa pagsisimula ng rainy season.

Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes ito ang ginagawang hakbang ng MMDA para mapigilan ang mga pagbaha dito sa Metro Manila.

“Tuloy-tuloy po, Usec. Rocky, iyong ating declogging ng mga canals at paglilinis po ng estero. Iyon naman pong ating mga pumping stations ay nasa 100% capacity, meaning, kinundisyon po natin iyan,” ayon kay Artes.

Bukod sa mga nabanggit ni Usec. Dino ng DILG, kabilang din sa nais nitong maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang tinatawag na urban farming para sa food security na siyang ginagawa ngayon ng mga barangay sa buong Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter