PINAALALAHANAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang iba’t ibang grupo at indibidwal na nasa pandemya pa rin ang bansa.
Sa harap ito ng inaasahang kilos-protesta sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Año na dapat pa ring sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa physical distancing lalo’t tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Una nang hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang iba’t ibang grupo at indibidwal na huwag nang ituloy ang kanilang kilos-protesta sa inagurasyon ni President-elect Marcos.
Pero nilinaw na papayagan ang mga ito na ipahayag ang kanilang saloobin sa mga itinalagang freedom parks sa Maynila kabilang ang Plaza Miranda, Plaza Dilao, at Liwasang Bonifacio.
Sinabi naman ni PNP deputy chief for administration Police Lieutenant General Rhodel Sermonia na nakahanda na sila sa inaasahang pagkilos ng mga raliyista, kung saan may nakahanda rin silang pwersa mula sa PRO 3 o Central Luzon at PRO 4A o Calabarzon.
Dagdag ni NCRPO regional director Police Major General Felipe Natividad na magpapakalat sila ng mobile jail sakaling may maaresto dahil sa panggugulo sa aktibidad.