DILG programs at projects sa EMBO brgys, pinalilipat ni Sec Abalos sa Taguig

DILG programs at projects sa EMBO brgys, pinalilipat ni Sec Abalos sa Taguig

INIATAS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglipat ng mga programa, proyekto, at aktibidad nito sa mga EMBO barangay sa tanggapan nito sa Taguig dahil na rin sa pagresolba ng Korte Suprema sa alitan ng Taguig at Makati.

Sa isang memorandum na natanggap ng DILG-NCR noong Nobyembre 7 mula sa DILG, sinabi ni Local Government Secretary Benjamin Abalos na ito ay kaugnay sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at mga magiging aktibidad ng mga bagong Barangay at SK officials ng EMBO.

Naging basehan ni Abalos ang 2021 final ruling ng Korte Suprema na nagbibigay ng hurisdiksiyon ng 10 EMBO barangays — Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo, and West Rembo— sa Taguig mula sa Makati.

Ginamit ding basehan ni Abalos ang mga naunang paglipat ng mga operasyon ng Commission on Elections (COMELEC) at ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga barangay na ito.

Bukod sa paglipat ng lahat ng mga programa, proyekto, at aktibidad ng DILG ng 10 brgys. sa DILG Taguig City, inatasan din ni Abalos ang tanggapan nito sa National Capital Region (NCR) na ibigay sa DILG Taguig ang mga reports ng 10 EMBO barangay sa pagsasagawa ng inventory at turn-over ng Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) properties, financial records, documents, at money accountabilities.

Inatasan din niya ang tanggapan ng NCR na tiyakin na ang reports at documents na kailangan ng mga elected officials ng Barangay at SK ng 10 brgys., tulad ng Barangay Officials Information Sheet (BOIS), oath of office, at iba pang relevant reports, ay isumite na sa DILG Taguig City.

Bukod dito, inatasan din ang tanggapan ng NCR na magbigay ng technical assistance sa 10 barangay kaugnay ng pagsusuri sa annual plans and budgets ng kaukulang Sanggunian sa pamamagitan ng DILG Taguig City.

Sinabi ni Abalos na ang direktiba ay susundin pagkatapos ng 2023 BSKE “in view of the territorial changes under the above-cited Supreme Court Decision consistent with the mandate of the DILG in exercising general supervision over local government units.”

 

Follow SMNI NEWS on Twitter