PINAALALAHANAN ni Interior Secretary Benhur Abalos ang mga bagong halal na SK Chairmen sa bansa na unahin ang paglaban sa mga problema ng bansa gaya ng ilegal na droga, malnutrisyon, HIV AIDS at iba pang social issues.
Ito’y matapos na humarap ang kalihim sa halos isang libong youth leaders sa bansa sa katatapos lang na National Youth Convention sa Baguio City na pinangunahan ng National Youth Commission.
Hinimok ng kalihim ang mga kabataan na gamitin ang mga angking talino, talento at kakayahan para sa pagbabago ng kani-kaniyang komunidad.
Kasama sa panawagan ng ahensiya sa mga SK na iprayoridad ang adbokasiya ng pamahalaan na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program bilang paraan para alagaan ang kinabukasan ng mga kabataan.
Sa huli, hinamon ni Abalos ang mga kabataang lider na isapuso ang responsibilidad bilang mga lider ng susunod na henerasyon habang hinuhubog nito ang daang tatahakin ng bansa sa susunod na mga dekada’t siglo.