DILG, tuloy pa rin sa suhestiyong “no vaccine, no subsidy policy”

DILG, tuloy pa rin sa suhestiyong “no vaccine, no subsidy policy”

IPAGPAPATULOY pa rin umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukalang “no vaccine, no subsidy policy.”

Ayon ito kay DILG Spokesperson Jonathan Malaya dahil patuloy pa ring humaharap ang bansa sa vaccine hesitancy at vaccine preference.

Aabot lang aniya sa 12% na benepisyaryo ng 4Ps ang nabakunahan kontra COVID-19 kung kaya’t ito na ang naisipan nilang hakbang para mapataas ang bilang ng nababakunahan.

Sa panig naman ni Sen. Franklin Drilon, wala umanong nakasaad sa kasunduan ng mahigit apat na milyong benepisyaryo ng 4Ps ang magpabakuna muna bago makatanggap ng ayuda.

Si Drilon ang syang may-akda ng pagiging institusyonal ng 4Ps sa bansa.

Ilang senador, hindi pumabor na gawing mandatory ang bakunahan sa bansa

Para kay Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go, mas dapat palakasin ang panghihikayat sa sambayanan na magpabakuna kesa gawing mandatory ang vaccination.

Paliwanag ni Go na kailangan pa na magpasa ng batas kung ipipilit na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination sa bansa.

Aniya, maaaring hindi na gawing mandatory ang bakunahan dahil may mga pag-aaral na nagsasabing tumataas na ang vaccine confidence ng mga Pilipino kumpara noong nagsisimula pa lang ang bakunahan.

Giit pa ni Go na sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa, nakita niyang marami na ang handang magpabakuna kaya naman sa tingin niya ay hindi na kailangan nang pilitan.

Dahil dito ay hinihikayat niya ang national at local government na bilisan at tiyaking makakarating ang bakuna sa lahat ng sulok ng bansa lalo na sa mga komunidad na pinakanangangailangan.

Dagdag pa ni Go na dapat ay palawakin pa ang rollout, paramihin ang vaccination centers at kung kailangan ay suyurin ang mga bahay-bahay para masigurong walang maiiwan sa bakunahan.

Maliban kay Go hindi rin pabor ang iba pang senador gaya ni Senate President Tito Sotto III, Senator Risa Hontiveros at Senator Kiko Pangilinan na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination.

SMNI NEWS