DILG, umapela sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang barangay anti-drug abuse program

DILG, umapela sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang barangay anti-drug abuse program

PERSONAL na hinimok ni Department of Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang lahat ng lokal na pamahalaan na palakasin ang implementasyon ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs).

Layon nitong mapalawak ang serbisyo at programa ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Matatandaang, una nang tiniyak ng Marcos administration na itutuloy nito ang drug war ng nakaraang administrasyon mula sa nasyonal hanggang sa pinakamababang lebel ng laban nito.

“Humihingi po ako ng tulong about illegal drugs. We will intensify the war on drugs, and we will start at the grassroots. So please, I am requesting you to harness the capability and strengthen your BADACs,” pahayag ni Abalos.

Iginiit ni Abalos, na malaki ang papel na ginagampanan ng mga LGU dahil diretso mismo sa taumbayan o sa grassroots level ang kanilang access.

Dahil dito, agad ding matutukoy ang mga kahina-hinalang kilos ng mga tao sa paligid kung magiging maigting ang pagbabantay sa bawat sulok ng kanilang lugar.

“Nanawagan tayo sa mga gobernador at mayors na siguruhin na ang ating mga BADAC ay maayos na gumagana at nakakatulong sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa iligal na droga at mga tagapagpalaganap nito,” ayon kay Abalos.

Paliwanag ng kalihim, nagsisilbing first line of defense ang programa ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils para sa mas mabilis na pagsugpo ng malawak na banta ng distribusyon, paggamit at pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot.

Pinaalalahanan din ng DILG ang lahat ng LGU sa bansa na maging handa sa pagpatutupad ng rehabilitation plans sa mga magbabalik-loob sa lipunan matapos malulong ang mga ito sa paggamit ng iligal na droga.

Sa katunayan, batay sa bagong programa ngayon ng Philippine National Police (PNP), prayoridad ng kanilang mga operasyon ang rehabilitasyon sa mga biktima ng ipinagbabawal na gamot hanggang sa maging kapaki-pakinabang silang mamamayan sa kani-kanilang komunidad.

Bagama’t, magpapatuloy pa rin naman ang anti-illegal drugs operations ng mga kapulisan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ngayon, nais ipaabot ng pamahalaan sa mga LGU at mga barangay na huwag mag alinlangan sa pagsumbong at titiyakin nito na agad silang pakikinggan at gagawan ng paraan para sa mas mabilis na tugon sa nagpapatuloy na hamong ito ng pamahalaan.

“Huwag kayong mahihiya sa akin. Do not treat me as a Secretary; it’s the other way around. Kayo ang boss ko,” ani Abalos.

“I’m here to serve you not for me to just give orders. I’m not that kind of person. That is how we shall espouse unity among us, that is how we shall espouse being proactive,” dagdag ng kalihim.

Follow SMNI News on Twitter