NAGBIGAY na ng tugon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na huwag makipagtulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng mga tauhan ng pulisya at mga lokal na pamahalaan, sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, Enero 24, sinabi ni DILG Sec. Benjamin Abalos, Jr. na susundin nito ang anumang kautusan ng Pangulo na hindi makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa ICC.
Inihayag naman ni Abalos na walang komunikasyon ang DILG sa mga imbestigador mula sa ICC na umano’y dumating sa Pilipinas upang mag-imbestiga sa drug war.
“As far as our office is concerned, the DILG, is I have no knowledge about this, there is no communication with them, nothing at all,” ani Abalos.
Ang naturang kasagutan ni Abalos ay kasunod ng tanong tungkol sa napaulat na tapos nang mangalap ng ebidensiya ang mga imbestigador ng ICC.
Kasabay rito ang pagtugon din ng DILG chief sa tanong kung nakipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at local government units (LGUs) ang mga imbestigador ng nasabing international body.
Ang PNP at LGUs ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng DILG.
At sakali namang makaharap niya ang kinatawan ng ICC, sinabi ni Abalos na ipapaalam niya sa international body na ito na ang Pilipinas ay palaging itinataguyod ang transparency at bilang isang demokratikong bansa, ito ay sumusunod sa lahat ng mga batas.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na banta ang ICC sa soberanya ng bansa.
“Let me say this for the 100th time. I do not recognize the jurisdiction of ICC in the Philippines. I do not, I consider it as a threat to our sovereignty. The Philippine government will not lift a finger to help any investigation that the ICC conducts,” saad ng Pangulo.
Matatandaang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 sa panahon ng administrasyong Duterte.