NAGLATAG ng solusyon ang kinatawan ng Philippine Government sa China para maiwasan ang paglala ng tensiyon sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Nire-reklamo na naman ng pangha-harass ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China sa WPS.
Ayon kay Coast Guard West Philippine Sea Spokesperson Jay Tarriela, hinarangan ng barko ng China ang mas maliit na BRP Malabrigo ng Pilipinas malapit sa Ayungin Shoal nitong Hulyo 30.
Nandoon ang mga barko ng Pilipinas para sa isang re-supply mission sa mga sundalong naka-assign sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa pinag-aagawang teritoryo.
Para iwas-gulo, ito ang ginawa ng PCG.
“Ang ginawa nila is they came close no sa ating dalawang Philippine Coast Guard vessels within an approximate distance of 100 yards. While at the same time, ang ginawa ng ating dalawang Coast Guard vessel para ma-prevent itong possible na banggaan no they have to decrease the speed,” pahayag ni Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for West Philippine Sea.
Ang insidente, nagpainit sa ulo ng ilang mga senador.
Ngunit para kay Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz, mas malalim na komunikasyon ang kailangan para maiwasan ang paglala ng tensiyon.
“Ang nakikita ko pong solusyon diyan ay paigtingin ang ating komunikasyon ng dalawang bansa, ng dalawang Coast Guard, ng dalawang military from top to bottom. Kasi po kung hindi tayo nag-uusap, madaling mag miscalculation, misinformation, at ‘yung tinatawag na unintended consequences,” wika ni Amb. Jaime FlorCruz, Philippine Ambassador to China.
Natitiyak din aniya ng pamahalaan na ayaw ng dalawang bansa na sumiklab ang digmaan.
Lalo na’t hangad ng Marcos administration na mapaigting ang bilateral relations sa China.
Ang ating Coast Guard, pinapaubaya na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang panibagong harassment sa ating mga barko.
“Sigurado po tayo na ‘yung dalawang ayaw nating mag-away, ‘yung dalawang navy, ‘yung dalawang coast guard ayaw nating mangyari ‘yung mga ganoon. Pero ang nakakabahala po ay kung hindi nag-uusap ay baka mangyari ‘yung ayaw nating mangyari. So ini-encourage po natin ang dalawang panig na pahusayin ang direct communication at frequent communication. Ganoon po ang nakikita kong solusyon diyan,” dagdag ni FlorCruz.
Nilinaw naman ni FlorCruz na hindi hangad ng China ang makipagiyera batay sa ipinapakita sa kaniya ng mga opisyal doon.
At hindi aniya sinasakop ng kabuuang relasyon ng China at Pilipinas ang WPS issue.
“Meron po tayong pagkakaiba ng teritoryo pero ang gusto po nating mangyari.. huwag naman nating… hindi po ‘yun ang totalidad ng ating relasyon. Marami pong intensyon ang China na actually po makabubuti po sa atin,” ani FlorCruz.