ALAS tres y medya ng hapon araw ng Biyernes nagsimula ang ikatlong araw ng Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally na pinangunahan ng grupo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na ginanap sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Matatandaan na sinimulan ng grupo ang pitong araw na rally nitong Miyerkules kung saan dinaluhan at dinagsa ito ng libu-libong mga Pilipino na tunay na nagmamahal sa bayan.
Sigaw ng grupo na tigilan na ang pang-aabuso sa bayan kagaya na lamang ng walang pakundangan na kurapsiyon, pagpapatahimik sa SMNI, laganap na droga at krimen, pilit na panggigipit sa mga kaalyado ng mga Duterte katulad ni Pastor Apollo C. Quiboloy, ang hindi pagtupad sa mga ipinangako noong eleksiyon kagaya na lamang ng P20 na kada kilo ng bigas, at marami pang iba.
Kahit umulan hindi nagpatinag ang mga supporter at nanaig pa rin ang alab ng pusong naghahanap ng hustisya.
Sa nasabing prayer rally, dumalo at inihayag ng ilang kilalang indibidwal ang kanilang hinaing at mga saloobin sa kasalukuyang administrasyon.
Kahit iba ang time zone at nasa ibang bansa ay nagawa pa rin ng political vlogger na si Maharlika na magsalita laban sa gobyerno.
Si Sen. Robin Padilla naman ay nagpadala ng kaniyang video message ng kaniyang pagsuporta sa mga nasa Liwasan.
Present din sina Nilan Tionco, presidente ng League of Parents of the Philippines, ang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na si Lolit de Jesus, Dating Executive Secretary Vic Rodriguez, at marami pang iba.
Pagkatapos magbigay ng mga talumpati, kantahan, at sayawan ay sinundan naman ito ng candle lighting sumunod ang tinatawag nilang Jericho March.
Pagkatapos nito, hindi hinayaan ng mga supporter ang mga basura at kalat.
“Isa sa mga palatandaan ng isang Pilipinong may pagmamahal sa bayan, ay ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa kapaligiran, ito ‘yung mga katangian na kahit maliit lang ay malaking tulong na ang naidudulot nito para sa ating bansa” ayon kay Harvey Calabia, Island Deputy, YSAC Coor Visayas.
Kung matatandaan, isa sa mga adbokasiya ng KOJC ay ang pagpapanumbalik ng ating Inang Kalikasan sa pamamagitan ng Sonshine Philippines Movement (SPM) na kung saan boluntaryo silang naglilinis sa mga estero at nagtatanim ng libu-libong puno sa nakakalbong kabundukan.
Iba ito sa lahat ng rally kasi pagkatapos ng event ay wala kang makikitang basura na iniwan at nakakalat, ayon sa ilang KOJC members na ating nakapanayam kung saan tuluy-tuloy anila nila itong gagawin.