Diskarte sa WPS, dapat itali sa economic development—Sen. Alan Peter Cayetano

Diskarte sa WPS, dapat itali sa economic development—Sen. Alan Peter Cayetano

PARA kay Sen. Alan Peter Cayetano, dapat nakatali sa economic development ang diskarte ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Ito rin aniya ang ginagawa ng China at maging ng mga mas maliliit na bansa tulad ng Vietnam.

“Ang akin lang advice sa Pilipinas, any strategy in the West Philippine Sea has to have a strategy of economic development,” sabi ng senador sa isang panayam sa media.

“Kung hindi, parati na lang tayo ‘yung mahirap na kapitbahay, parati tayong nasa gilid,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, napalago ng China ang mga patakaran at militar nito gamit ang economic development, na nagtulak dito para maging isang global superpower.

Inihalintulad naman niya ang Pilipinas sa mga maliliit na pamayanan sa gilid ng mga mas mayayamang lugar tulad ng Ayala-Alabang, Ayala Avenue, at Bonifacio Global City. Dahil dito aniya, mahirap iparinig ang ating tinig at igiit ang ating posisyon pagdating sa West Philippine Sea.

“We have to find a sustainable strategy and framework in dealing with the West Philippine Sea with all of our neighbors. In the same manner na nakahanap tayo ng paraan to deal with Malaysia and Vietnam, we have to find a way to deal with China,” sabi niya.

“Having said that, it’s easier said than done kasi depende din doon sa aksyon nung kabila… Kasi malaking bagay nito ay yung diplomacy at geopolitics,” dagdag niya.

Tumindi ang tensiyon sa WPS noong Biyernes, Nobyembre 10, nang habulin ng dose-dosenang Chinese Coast Guard at iba pang barko ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Nagpasabog pa ang mga ito ng water cannon patungo sa isang bangkang de-motor na naghahatid ng pagkain at iba pang supply sa BRP Sierra Madre.

Sinabi ni Cayetano na maaring lumala pa ang sitwasyon sa West Philippine Sea dahil sa tensiyon sa pagitan ng China at United States.

“Lumalalim ang geopolitics around the world. Yung (actions) ng America, apektado tayo kasi kapitbahay natin ang China… Sa China, you have to understand it’s also (their) national security ang tinitingnan nila dyan sa West Philippine Sea,” aniya.

Ayon kay Cayetano, dapat tingnan ng Pilipinas ang halimbawa ng Vietnam, na nagawang palaguin ang ekonomiya nito sa loob ng ilang taon.

“If you look at Vietnam, that’s what they are doing. And where are they starting? Babalik tayo sa education,” wika niya.

“Vietnam is coming up with one of the best education systems in the world. So we have to act on the (education) crisis (in our country),” wika ni Cayetano, na matagal nang ipinaglalaban ang pagpapabuti ng sistema ng edukasyon ng bansa.

Follow SMNI NEWS on Twitter