EPEKTIBO na nitong Enero 1, 2024 ang subsidiya sa bill ng kuryente para sa mga mahihirap.
Sa pamamagitan ng bagong lifeline rate program, makakakuha ng discount sa binabayarang kuryente ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o mga nakasama sa Listahanan program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Actually 100% ang subsidy, ibig sabihin wala silang babayaran, hindi nila babayaran ‘yung ginagamit po nilang kuryente. Ang pababa, all the way to, ang pinakamababa ay 20% discount sa ginagastos sa kuryente,” ayon kay Atty. Monalisa Dimalanta, Chairperson, ERC.
Pag-apply sa lifeline subsidy program, patuloy—ERC
Sa ngayon nasa higit 200-K pa ang narehistro sa Lifeline Rate Program na komukonsumo ng kuryente na hindi hihigit sa 100 kilowatts per hour sa loob ng isang buwan.
Pero sabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na patuloy na tumatanggap ng aplikasyon mula sa mga nais i-avail ang lifeline subsidy ng gobyerno.
Maaaring tumungo sa mga distribution utilities gaya ng Meralco o sa mga electric cooperative para makapag-apply.
Mayroon ding onsite registration sa mga barangay.
Kinakailangan lamang magdala ng 4Ps ID at ang pinakuling billing ng kuryente.
“In the Meralco franchise area, ‘yung pong pinakamababang matatanggap mga P250 din po iyan sa isang buwan. ‘Yung pong sa ibang lugar like sa Mindanao, sa SEPALCO for example, around P260 din. Sayang din po ‘yung buwan buwan na matitipid po ninyo kung malilibre po kayo ng kuryente sa mga ganitong amount,” dagdag ni Atty. Dimalanta.
Matatandaan na pinalawig ang nasabing programa ng hanggang 50 taon sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11552.