Diskwalipikasyon ni Edgar Erice para sa 2025, “final and executory” na—COMELEC En Banc

Diskwalipikasyon ni Edgar Erice para sa 2025, “final and executory” na—COMELEC En Banc

TULUYAN nang binura o tinanggal ang pangalan ni dating Congressman Edgar Erice sa balota para sa 2025 elections.

‘Yan ay pagkatapos ilabas ng Commission on Elections (COMELEC) ang certificate of finality sa diskwalipikasyon ni Erice para sa pagtakbo nito sa halalan.

Matatandaan na noong Nobyembre 2024, diniskwalipika ng COMELEC 2nd Division si Erice kasunod ng petition for disqualification na inihain ni Raymond Salipot dahil sa pagkakalat umano ni Erice ng hindi beripikadong impormasyon patungkol sa halalan na ang layunin ay guluhin ang proseso ng eleksiyon.

Bilang tugon, naghain ng Motion for Reconsideration si Erice noong ikalawang araw ng Disyembre 2024.

Ang COMELEC En Banc kinatigan ang ruling ng dibisyon noong Disyembre 26 na nagdidiskwalipika sa kaniya.

Saad ng COMELEC, nililinlang at ginugulo ni Erice ang kaisipan ng mga botante dahil sa paulit-ulit nitong panawagan na bumalik ang komisyon sa paggamit ng mga lumang makinarya ng Smartmatic.

Ang pagpapakalat ng mga hindi tama at nakaaalarmang impormasyon hinggil sa halalan ay paglabag sa election law ayon pa sa komisyon.

Biyernes, Enero 3, 2025, idineklara na ng komisyon na “final and executory” ang diskwalipikasyon ni Erice matapos wala itong matanggap na restraining order mula sa Korte Suprema limang araw pagkatapos mailabas ang desisyon o resolusyon ng COMELEC En banc.

Si Erice umapela naman sa Korte Suprema na magpalabas ito ng Temporary Restraining Order (TRO) para mapahinto ang implementasyon ng COMELEC ruling.

Nirerespeto naman ng COMELEC ang paghahain ni Erice ng petisyon.

Sa Enero 6 ay magsisimula na ang COMELEC sa pag-iimprenta ng mga balota.

Ayon kay Garcia, hanggang wala silang natatanggap na TRO sa korte ay magpapatuloy sila sa pag-iimprenta ng balota.

“May declaration na final and executory ‘yung kaniyang decision and judgement. Ibig sabihin as far as the COMELEC is concerned, ‘yung may final and executory on Monday ay tanggal ang pangalan sa listahan,” saad ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble