INAPRUBAHAN na ng Senado ang 25-year franchise ng DITO Telecommunity Corp. o House Bill 7332.
Pinangunahan ni Senator Grace Poe, chairperson ng Committee on Public Services ang pagpasa na nasabing prangkisa.
Nakakuha ng pagsang-ayon ang DITO mula sa 17 na mga senador.
Kabilang naman sa hindi sumang-ayon sa prangkisa sina Senators Risa Hontiveros at Francis Pangilinan habang abstain naman si Senator Panfilo Lacson.
Dahil dito, madagdagan na ang sektor ng telekomunikasyon ng bansa na dati ay pinamamayanihan ng SMART/ Philippine Long Distance Company at Globe Telecommunications.
Ayon kay Poe, ang pagpasok ng DITO Telecommunity bilang bagong major player sa merkado ng telekomunikasyon sa Pilipinas ay magpapasigla sa kompetisyon para sa mas abot-kaya at mas magandang internet at mobile services para sa mga mamamayang Pilipino.
Aniya, kayang makipagsabayan ang nasabing kompanya sa mga nangungunang telco player sa bansa.
Ayon kay Commissioner Edgardo Cabarios ng National Telecommunications Commission (NTC), nasa 85. 9 megabits per second ang minimum average speed ng DITO para sa 4G samantalang nasa 507.5 MBPS naman ang speed kapag 5G.
Mayroon na rin aniyang 1.602 operational cell cites ang DITO.
Hawak ng DITO ang congressional franchise via Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. na magtatapos sa taong 2023.
Matatandaan na inilunsad ng DITO ang kanilang serbisyo sa 15 lugar sa Visayas at Mindanao noong Marso 8.
Inaasahan naman na sa kalagitnaan ng taon ay mai-rollout na ito sa buong Pilipinas.
(BASAHIN: Bilang ng isyung construction permits ng LGUs sa mga telcos, umakyat ng 600%)