Diumano’y international health concern, hindi kumpirmado—DOH

Diumano’y international health concern, hindi kumpirmado—DOH

PINASINUNGALINGAN ng Department of Health (DOH) ang mga kumakalat na ulat sa social media hinggil sa diumano’y international health concern.

Ipinaalala naman ng DOH sa publiko na huwag magbahagi ng mga kaduda-dudang website o online sources upang maiwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.

“Mayroon po tayong na-monitor kagabi at lagi nating sinasabi diumano’y isang international health concern na mayroon daw na bagong kumakalat at maraming bilang ng kaso ng isang sakit sa isang bansa. Hindi po namin pinapangalanan ang bansa at ang sakit dahil hindi nga po ito verified,” ayon kay Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Ito ang paglilinaw na ginawa ni Health Assistant Secretary Spokesperson Albert Domingo at sinabing hindi berepikado ang kumakalat na ulat tungkol sa diumano’y international health concern.

Dagdag ni Domingo, wala ring ganitong deklarasyon mula sa binanggit na bansa o maging sa World Health Organization (WHO).

Ang Pilipinas sa pamamagitan ng DOH ay aktibong kalahok sa network ng WHO Member States na sumusunod sa International Health Regulations (IHR). Ang naturang sistema ang nagbibigay sa bansa ng updates na may kinalaman sa mga international health concern.

“Ang tugon po ng DOH ay nagtanong po kami sa ating WHO official channel sa International Health Regulations at pati na rin po minomonitor natin kung mayroon bang deklarasyon iyong bansang nasabi, wala naman po. So, hindi po totoo iyan, kung mayroon man pong nangyayari ay malalaman kaagad namin at mag-a-update po kami,” ani Domingo.

Tiniyak naman ng DOH na gumagana ang mga disease surveillance system ng Pilipinas.

“Ito ang talagang pinakamatibay na patunay na umaandar po ang sistema, nakakakita po ng mga bagong kaso kung kailangang makakita ang ating Department of Health at kami po ang unang magsasabi at hindi naman namin itinatago, kasama na iyong ibang sakit tulad ng ubong dalahit, iyong pertussis, iyong measles, iyong tigdas, iyan pong lahat ay nalalaman natin at kaya nating tukuyin,” dagdag ni Domingo.

Ipinaalala naman ng health official na huwag magbahagi ng mga kaduda-dudang website o online sources at huwag magpakalat ng maling impormasyon at kalituhan.

Ang naturang pahayag ng DOH ay sa gitna ng kumakalat ngayon sa social media na diumano’y Human Metapneumovirus o HMPV sa bansang China.

Sa kabilang dako, tinawag ng Chinese Embassy na ‘fake news’ ang diumano’y international health concern na ito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble