NANGAKO ang De La Sale University Dasmariñas na mas paghihigpitan pa ang seguridad sa unibersidad sa pamamagitan ng pagdagdag ng kapulisan kasunod ng pagkakapaslang sa isa sa mga estudyante nito.
Ayon kay University President Francisco De La Rosa, makikipag-ugnayan na ito sa lokal na pamahalaan ng Dasmariñas upang mas mahigpitan ang seguridad sa unibersidad.
Bukod dito ay sinabi rin ng unibersidad na makikipagtulungan ito sa lokal na pamahalaan sa pag-inspeksiyon sa mga kalapit na dormitories kung saan naninirahan ang mga estudyante nito.
Matatandaan na napaslang ang isang graduating na DLSU-Dasmariñas student na si Leanne Duguessing matapos itong pagsasaksakin ng isang hindi pa tukoy na salarin na pumasok sa dormitory kung saan ito tumutuloy.