DMW hindi agad naabisuhan sa nangyaring “air traffic paralysis” sa NAIA

DMW hindi agad naabisuhan sa nangyaring “air traffic paralysis” sa NAIA

ARAW ng Miyerkules ay pinulong ni Senator Raffy Tulfo ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa kapakanan ng mga OFWs, kasunod ito sa nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong araw ng New Year.

Sa pagpupulong, naungkat na hindi pala agad na-inform ang Department of Migrant Workers (DMW) sa sitwasyon kung saan apektado ang libu-libong pasahero sa mga paliparan sa bansa, kabilang na ang mga OFW.

Nadismaya si DMW Secretary Susan “Toots” Ople sa pangyayari dahil tanging viber message lamang ang nakapagsabi sa kanya patungkol sa insidente.

Ang mensahe ay hindi nanggaling sa Manila International Airport Authority (MIAA) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Dahil dito ay nais ngayon ng DMW na magkaroon ng memorandum of agreement (MOA) sa dalawang attached agency ng Department of Transportation (DOTr) para agad na maaksyunan ang pangangailangan ng mga OFW tuwing may ganung pangyayari.

 “’Yung lesson learned lang naman dun was kailangan tighter ang coordination ng MIAA at CAAP with us. Para at the first sign of crisis na katulad nun ay nakapag send na kami agad ng teams. Kasi alam naman ng department kung anong tulong ang pwede pa naming i-extend eh,” ani Sec. Susan “Toots” Ople, DMW.  

DMW nais na magkaroon ng Quick Response Team para sa mga OFW

Dagdag naman ni Ople na araw Huwebes ay agad itong makikipagpulong sa MIAA at CAAP para talakayin ang MOA, dahil sa inaasahan din niya itong matatalakay sa imbestigasyon ng Senado sa parehong insidente.

Bahagi ng MOA ani Toots ang pagbuo ng Quick Response Team (QRT) na pangungunahan ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac.

 “Para alam lang ni MIAA at  CAAP na sa department namin, basta may aberya na ganyan o any na related sa mga OFWs ay alam na nila na ang kokontakin sa amin ay si Usec Hans Cacdac at si Usec naman ay mayroon ng team na binuo,” dagdag ni Ople.

Siniguro naman ni Ople na kasama rin sa planong Quick Response Team ang mga paliparan sa iba pang lugar sa bansa.

Ang QRT aniya na nasa labas ng Maynila ay pansamantala munang pangungunahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang wala pang satellite offices ang DMW.

Follow SMNI NEWS in Twitter