NAGBABALA si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na magiging bigo ang sinumang Overseas Filipino Workers (OFWs) na aalis ng bansa na gagamit ng pekeng overseas employment certificate (OEC) mula sa pekeng website o online na nag-alok sa kanila nito.
Ang pahayag ng kalihim ay kasabay sa paglunsad ng DMW at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa pinahusay na e-travel system
“Kasi pumasok sila sa pekeng website hindi ibig sabihin noon makakalusot sila kay Commissioner Tansingco ng Bureau of Immigration kasi ‘yung secured data base pa rin ni Sec. Ivan and Usec. Dave ang mananaig. So kahit naka-secure sila sa pekeng website kung anumang outcome document na ‘yun ay pekeng OEC na hindi kikilalanin dito sa passport immigration control,” saad ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.
Pagkatapos nitong inilunsad noong Disyembre 2022, ginawang moderno ang e-travel system sa proseso ng paglalakbay para sa mga indibidwal na papasok at lalabas sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng iba’t ibang serbisyong nauugnay sa paglalakbay, binawasan ng system ang multiple forms at physical documents na nagbibigay ng kahusayan, at kaginhawahan para sa mga manlalakbay.
Sa paglulunsad na ito, ma-a-access na ng mga manlalakbay ang iba’t ibang form sa e-travel, kabilang ang baggage declaration form, currency declaration form, at overseas employment certificate.