DMW, tutulong sa OFWs na nahihirapang magrehistro online sa pagkuha ng unpaid salary

DMW, tutulong sa OFWs na nahihirapang magrehistro online sa pagkuha ng unpaid salary

TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) na handa silang tumulong sa mga claimant o overseas Filipino workers (OFWs) na nahihirapan na magrehistro at mag update ng  impormasyon para sa mga unpaid wages at benefits ng mga ito sa Saudi Arabia.

Tinipon ng DMW ang mga OFWs para magkaroon ng briefing kaugnay sa pagrerehistro online at pag-comply hinggil sa mga hinihinging requirement ng Saudi Government sa pagkuha ng kanilang unpaid salaries & benefits partikular na sa Saudi Oger.

Aminado ang ilang claimants na nahihirapan sila na sumunod sa pagregister online dahil karamihan sa kanila ay hindi teki.

Ayon kay Usec. Py Caunan, hanggang January 31 na lang ang deadline, pero tinitiyak ng DMW na gagawa sila ng paraan na matulungan ang mga claimant na nahihirapan na masunod ang mga hinihinging requirements ng pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Matatandaang nangako ang pamahalaan ng Saudi Arabia ng 2 bilyong riyals para sa sweldo ng may 10,000 OFWs na hindi binayaran ng naluging kumpanya.

Kabilang sa babayaran ng crown prince ang mga OFW na nagtrabaho sa kumpanyang Saudi Oger, MMG, Bin Laden Group, at iba pang construction firms na nagdeklara ng bankruptcy.

Ngayong Lunes higit 100 claimants ng kumpanyang Saudi Oger ang dumalo sa isang pagpupulong ng DMW kaugnay sa  registration sa pag-update ng  impormasyon para sa mga unpaid wages at salaries ng mga OFW sa KSA.

Pero ayon kay Usec. Caunan sa muling pagbisita nila sa Saudi, kabilang sa pag-uusapan ang iba pang kumpanya na may mga unpaid salary ang mga OFW.

Umaasa naman ang claimants na makakamit nila ang ilang taon nilang inaasahang bayad ng Saudi sa tulong ng DMW.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) halos nasa 10,000 ang bilang ng mga OFW na may unpaid salaries sa Saudi Oger.

Follow SMNI NEWS in Twitter