NAGTUGMA ang DNA sample na ibinigay ng pamilya ng beauty queen na si Catherine Camilon at ang hair strands na nakuha sa inabandonang kulay pulang Honda CR-V.
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Fajardo, malaki ang maitutulong ng resulta ng DNA dahil magpapatibay ito sa testimonya ng mga testigo.
Nabatid na nakita ng mga testigo na inililipat ang duguang katawan ni Camilon mula sa kaniyang sasakyan na Nissan Juke patungo sa CR-V.
Hindi naman kinuhanan ng sample ang pulis na isinasangkot sa pagkawala ni Camilon na si Police Major Allan de Castro.
Bagama’t may DNA result na ang PNP Forensic Group, hindi babaguhin ang kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention na isinampa laban kay de Castro at tatlong iba pa.