ITINANGGI ng Department of National Defense (DND) ang mga ulat na inalok sila ng France ng submarine kapalit ng pahintulot na galugarin ang karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong, nagkaroon ng defense cooperation ang Pilipinas at France noong 2016, pero hindi kailanman nabanggit o natalakay ang naturang panukala.
Sinabi ni Andolong na hindi pa prayoridad ng DND ang pagbili ng mga submarine sa ngayon.
Bagama’t ang mga submarine ay nasa “wishlist” sa ilalim ng Horizon 3, iginiit ni Andolong na inuuna ng DND ang pagpapatupad ng mga kontratang nilagdaan noong nakaraang administrasyon.
Batid din aniya ng DND ang mga limitasyon sa pagkukunan ng pondo ng gobyerno kaya nire-recalibrate ang mga panukalang proyekto sa ilalim ng AFP Modernization Program.
Samantala, tiniyak ni Andolong na ang mga pinasok na kasunduan ng DND ay alinsunod sa Konstitusyon at mga batas at itinataguyod nito ang pambansang interes.