MAY panawagan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) si Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Huwag pansinin at pakinggan!
Ito ang bilin ni Lorenzana sa AFP matapos ang pahayag ni retired Lieutenant General Antonio Parlade na revolutionary government ang solusyon para maayos ang sistema ng Commission on Elections (COMELEC).
Ngayong Martes, nagsagawa ng kilos-protesta si Parlade sa People Power Monument sa EDSA.
Iginiit ni Parlade na kung maayos ang sistema ng COMELEC ay hindi makalulusot ang mga pulitiko na pansariling interes lamang ang isinusulong.
Pero nilinaw nito na hindi siya nananawagan para sa pagtatatag ng revolutionary government sa bansa.
Si Parlade ay ang dating Commander ng AFP Southern Luzon Command (SoLCom) at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Inakusahan din nito si Senator Christopher “Bong” Go na iniimpluwensyahan ang mga desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.