DND, OCD, pinaghahanda ang publiko sa posibleng pagtama ng bagyo sa bansa

DND, OCD, pinaghahanda ang publiko sa posibleng pagtama ng bagyo sa bansa

MAAGA pa lang ay pinaghahanda na ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang publiko dahil sa posibleng mararanasan na sama ng panahon sa ilang lugar sa bansa sa mga susunod na araw.

Base kasi sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isang low-pressure area (LPA) sa bahagi ng Virac, Catanduanes, ang inaasahang magiging tropical depression sa loob ng 24 oras.

Sakaling matuloy ang pagpasok nito sa bansa ay papangalanan itong Bagyong “Kristine.”

Ayon kay DND Sec. Teodoro, dapat manatiling updated ang publiko sa mga kaganapan kasabay ng pagtiyak ng kahandaan sa posibleng mga sakuna.

“Let us engage in proactive planning and stay informed with relevant updates to ensure we are adequately prepared,” pahayag ni Gilberto Teodoro Jr., Secretary, Department of National Defense (DND).

Sa ngayon aniya ay patuloy ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para makabuo ng komprehensibong aksiyon at plano kaugnay sa paparating na sama ng panahon.

“We are collaborating closely with all concerned agencies to establish a comprehensive and cohesive action plan,” ani Teodoro.

Dagdag pa ng opisyal, posibleng tinatayang aabot sa mahigit 1 milyong indibidwal ang maaaring maapektuhan ng nasabing tropical cyclone.

Ayon naman sa Mines and Geosciences Bureau, tinatayang aabot sa mahigit 5,000 barangay mula sa rehiyon ang nasa panganib dahil sa mga pagguho ng lupa at pagbaha sakaling tumama ang Bagyong Kristine na inaasahang magla-landfall sa lalawigan ng Cagayan ngayong darating na Huwebes at maaaring tatahakin ang Northern Luzon.

Kasunod nito, bilang tugon, inatasan na ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga regional offices nito na magsagawa ng mga paghahanda para sa Bagyong Kristine na may potensiyal na maghahatid ng moderate to heavy rainfall araw ng Martes, Oktubre 22, 2024 sa Bicol Region, mga lalawigan ng Samar, at ibang lugar.

Kasabay rito ay nananawagan din si Usec. Ariel Nepomuceno sa mga komunidad na nakatira sa mga vulnerable na lugar na tumugon sa panawagan ng pamahalaan, dahil ang kooperasyon aniya ng publiko ay mahalaga upang mapanatili ang kaligtasan.

“We urge vulnerable communities to heed our call and make the necessary preparations for Kristine, our 11th tropical cyclone this year. Your cooperation is essential to our ongoing efforts to ensure your safety and well-being,” ani Usec. Ariel Nepomuceno, DND.

Kaugnay rito bilang tugon, puspusan na ang paghahanda ng mga LGU sa Cagayan Valley Region sa inaasahang pagtama ng Bagyong Kristine.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble