Doble-dobleng trabaho at posisyon sa PNP, pinabubuwag na: Panibagong posisyon, pinag-aaralan

Doble-dobleng trabaho at posisyon sa PNP, pinabubuwag na: Panibagong posisyon, pinag-aaralan

NAPUNA sa PNP ang doble-dobleng trabaho at posisyon na hindi naman kailangan.

Dahil dito, ipinag-utos na ng National Police Commission o NAPOLCOM ang pagbuwag sa ‘Area Police Command’ na itinatag ng namayapang Chief PNP na si Retired General Camilo Cascolan.

Bukod sa gastos sa pondo at mga tauhan, halos magkakapareho na ang ginagampanang tungkulin ng mga nasa Regional Offices ng PNP.

Ayon sa panayam kay Police Regional Office 3 Director at Concurrent Spokesperson ng PNP PBGen. Jean Fajardo, aminado siya na malaki ang mababawas sa gastusin ng kanilang hanay habang magkakaroon na ng pokus sa trabaho at maiaplay nito ang kanilang mga natutunang kakayanan sa usapin ng police operations at administrative

“Definitely makakatipid because once may mga tao tayo sa APC kasi lalagyan mo din ng tao yan, lalagyan mo rin ng logistical resources, may movement yan so definitely pagka na dissolve itong APCs ay Malaki ang matitipid natin and we can realign these funds intended for APCs para doon sa mga priority projects that could further improve and at least enhance yung mga operational capabilities nung mga regional offices natin,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo Spokesperson, PNP.

Matatandaang una na itong napansin ng bagong hepe ng DILG at maging ng NAPOLCOM, kung saan dumami anila ang mga heneral na inilalagay sa posisyon ng PNP na halos walang ginagawa, Bagay na kailangan aniya itong repormahin agad.

Kabilang naman sa mga maaapektuhan ang Area Police Command o APC Southern Luzon, Northern Luzon, Visayas, Eastern, at Western Mindanao.

Umaabot naman sa 158 second-level personnel na may ranggong Corporal hanggang Lt. Col. at 26 third-level police officers na may ranggong Col. hanggang Lt. Gen. ang apektado ng resolusyon ng NAPOLCOM na buwagin ang Area Police Command.

Mga maaapektuhan ng pagbuwag ng Area Police Command:

APC Southern Luzon

APC Northern Luzon

APC Visayas

APC Eastern Mindanao

APC Western Mindanao

Bilang ng mga opisyal na apektado sa pagbuwag sa “APC”

Heneral (26)

Second Level Officers (158)

Paglilinaw ng PNP, walang gaanong epekto ito sa mga maaalis na APC dahil mayroong mga mababakanteng posisyon bunsod sa mga nakatakdang magretiro sa susunod na mga araw.

“Definitely for those generals who will be affected ng deactivation ng APCs kasama sila dito sa mga projected na magfifill up naman ng vacancy as a result nitong mga naapektuhan ng deactivation ng APC. This is primarily the reason why the chief PNP requested na slowly muna yung transition until such time na mailagay natin sa mga tamang position particularly the 3rd level officers from colonel up and meron tayong nga 2 star also who is scheduled to retire,” saad ni Fajardo.

Pinag-aaralan din kasi ang pagdaragdag sa hanay ng Command Group, kabilang na ang posisyon ng Deputy Chief PNP for Investigation at Deputy Chief PNP for Cybercrime.

Habang mayroon ding inaasahang mapupunta sa bagong tatatag na Negros Island Region ng PNP.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble