DOE, nagbabala sa posibleng pagnipis ng suplay ng kuryente sa panahon ng tag-init

DOE, nagbabala sa posibleng pagnipis ng suplay ng kuryente sa panahon ng tag-init

HINAY-hinay sa paggamit ng kuryente, ito ang paalala ng Department of Energy (DOE) sa mga Pilipino lalo’t nalalapit na ang summer season.

Sa public briefing, sinabi ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan na inaasahan kasi ang pagtaas ng demand ng kuryente tuwing panahon ng tag-init.

Dahil dito ay posibleng magnipis ang reserbang power supply.

Sa forecast ng DOE, posibleng umabot sa 4012 megawatts ang power demand sa Luzon habang mayroon naman na 354 megawatts demand sa Visayas at 802 megawatts sa Mindanao.

Batay sa power supply outlook ng DOE, makararanas ng yellow alert ang Luzon grid lalo na sa buwan ng Mayo at Hunyo, pero hindi ibig sabihin na magkakaroon na ng brownout.

Pero, sa buwan ng Oktubre at Disyembre ay malaki aniya ang posibilidad na magkaroon ng kakulangan sa suplay sa bahagi ng Visayas.

Upang maiwasan umano ang pagnipis ng reserbang suplay at pagtaas ng demand ng kuryente ay malaking tulong ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente.

Petisyon na taas-singil ng NAPOCOR, dedisisyunan ngayong buwan – ERC

Sa pandesal forum sa Quezon City, kinumpirma ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nakatakda na nitong aksyunan ang petisyon sa taas singil ng National Power Corporation (NAPOCOR).

Ipinaalam ni ERC chairperson Atty. Monalisa Dimalanta na nakahanay na sa agenda ng komisyon ngayong buwan ang pagdedesisyon sa hirit ng NAPOCOR.

Partikular na tinukoy ng ERC ay ang Universal Charge Missionary Electrification Rate (UC-ME) na nakikita sa electric billing ng mga consumer.

Paliwanag nito, humihirit ng dagdag na singil ang NAPOCOR para magkaroon ng sapat na pambili ng krudo sa generators na siyang nagsusuplay naman ng kuryente sa mga malalayong isla sa bansa.

Hindi naman inalis ni Dimalanta ang posibilidad na maaprubahan ito dahil tanging 15 centavos kada kilowatt hour lamang ang hinihingi ng NAPOCOR.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter