SA gitna ng global energy crisis at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, aminado ang Department of Energy (DOE) na wala pang agarang solusyon ang Pilipinas sa pagkakaroon ng sariling oil at gas supply.
Ayon sa ahensiya, nasa yugto pa lamang ang bansa ng paghihikayat sa mga mamumuhunan at service contractors upang simulan ang exploration drilling sa mga lugar na posibleng may tagong yaman ng langis at natural gas.
Isa sa mga tinututukang rehiyon ng DOE ay ang Mindanao—partikular na ang mga bahagi nitong nakaharap sa Malaysia at Indonesia. Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, inaasahang may potensiyal ang mga lugar na ito dahil sa pagkakatulad ng geological features sa mga oil-producing areas ng kalapit na bansa.
“At masisimulan na rin natin ang matagal nang panahon na hindi natin nai-explore iyong areas in Mindanao, specially iyong mga area na nakaharap sa Malaysia and Indonesia, kasi ito iyong mga areas na generally areas na nagpo-produce na on the side of Malaysia and Indonesia,” wika ni Dir. Rino Abad, DOE.
Dagdag pa ni Abad, posibleng matagalan ang kabuuang proseso mula exploration, development, hanggang aktwal na produksiyon ng enerhiya—na maaaring umabot ng 15 hanggang 20 taon.
“It takes time to explore, baka abutan ka po ng five years at kung may mahanap po diyan, magdi-drill ka, probably another five year to develop the area and then saka ka lang magpo-produce. So, you are looking at 20 to 15 years po bago tayo magkaroon ng actual production from exploration, discovery to development, so medyo matagal,” saad ni Abad.
Habang wala pa ang konkretong lokal na suplay, umaasa ang DOE sa mga pansamantalang mekanismo upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo—kabilang na ang pagpapatupad ng fuel subsidy programs at diskuwento sa produktong petrolyo.
“So ang atin po talagang option ngayon is discount promo, fuel subsidy program. Kung malakihan ang increase, we need to talk to oil companies for a staggered price increases,” aniya.